Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 8 (PIA) – “Paninindigan ko kung ano ang tama at itatama ko kung ano ang mali.”
Ito ang matapang na pahayag ni Sorsogon City Councilor Victorino Daria III sa kanyang huling privilege speech sa isinagawang regular session ng City Council. Si Daria ang tumatayo ring Chairman ng Committee on Transportation and Public Utilities ng Sangguniang Panlungsod.
Ang nasabing pahayag ay ginawa niya bilang tugon sa mga maling gawain umano ng ilang mga empleyado ng pamahalaan lalo na sa pagbibigay ng Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) sa mga operators na hindi nabigyan ng prangkisa.
Matatandaang bilang chairman ng committee on transportation at public utilities at tricycle franchise ay nagpakita ang opisyal ng tamang pagpapatupad ng mga patakaran lalo na sa trapiko sa lungsod at nagpasa rin ito ng ilang mga ordinansa upang matugunan ang mga suliranin sa makapal na daloy ng trapiko at upang matuldukan ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga kolurom na traysikel na namamasada sa lungsod. Siya rin ang nagsusulong upang maipatupad na sa lalong madaling panahon ang color coding scheme sa Sorsogon City.
Subalit, mayroon umanong mga asosasyon ng traysikel na hindi pumapabor sa iskema ng color coding dahilan sa impluwensya na rin ng ilang mga nasa loob mismo ng city government at pagbibigay ng tricycle franchise na hindi dumadaan sa tamang proseso.
Kaugnay nito nagsagawa ng inspeksyon si Daria sa listahan ng kabuuang prangkisa na naibigay na at pagsubaybay sa mga franchise holders na hindi nakapag-renew ng kanilang MTOP ayon sa kasalukuyang ipinatutupad na mga patakaran ng lungsod.
Bumuo din ang 4th CityCouncil sa pamumuno ni Vice Mayor Robert Rodrigueza ng Special Committee upang maimbestigahan ang pagbibigay ng MTOP na ibinebenta sa halagang P20 libo hanggang P40 libong piso at maituwid ang anumang mga tiwaling proseso sa pagbibigay ng mga parangkisa sa traysikel. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment