Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 11 (PIA) – Tuluyan nang dinala sa Korte Suprema ng mga komokontra sa operasyon ng small-scale mining sa Balocawe, Matnog, Sorsogon ang kanilang petisyon para sa “Continuing Mandamus Damage and Attorney’s Fees with prayer for Issuance of Temporary Environment Protection Order”.
Ito ay matapos na idismis noong Oktubte 18, 2011 ang motion for reconsideration ng Civil Case No. 2011-8338 na isinampa sa sala ni Hon. Victor C. Gella, Executive at Pairing Judge ng Branch 53, Regional Trial Court 5th Division, Sorsogon City ng mga complainant.
Matatandaang mahigpit na kinukundena ng mga environmentalist group, simbahan at ilang mga residente ang operasyon ng mina sa Balocawe, Matnog, Sorsogon sa pagsasabing may mga ginawa itong paglabag sa batas pangkalikasan lalo’t kung titingnan umano ang uri ng sistema at mga kagamitang ginagamit sa operasyon nito ay hindi ito maikukunsiderang small-scale mining.
Ayon sa mga petitioner, mayroon silang nakikitang mabibigat na mga rason upang hingin sa korete suprema ang muling pagsuri at pagbaligtad sa dismissal order ng RTC dito sa isinampa nilang petisyon. Nais din nila umanong hingin sa Korte Suprema ang totoong interpretasyon ng batas ukol sa kasong ito.
Sa kabilang dako, sinabi ni Sorsogon Governor Raul R. Lee na wala na siyang anumang gusto pang sabihin sapagkat karapatan ng mga petitioner ang paghingi ng repaso sa Korte Suprema sa naging desisyon ng lokal na korte dito.
Subalit tiniyak niya na kung ano man ang paglabag na makikita ng lokal na pamahalaan sa operasyon ng nasabing pagmimina ay agad niyang bibigyan ng kaukulang aksyon. Sinabi din niya na kung hindi kumbisido sa desisyon ng lokal na korte ang mga petitioner ay malaya silang dalhin ito sa alin mang korte sa bansa na sa tingin nila ay makapagbibigay sa kanila ng linaw at tamang desisyon.
Matatandaang si Gov. Raul Lee kasama ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje at siyam na iba pa ay kinasuhan din sa paglabag sa batas ng pagmimina kaugnay ng pagbigay permiso sa operasyon ng pagmimina sa Balocawe, Matnog. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment