Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 8 (PIA) – Regular pa ring ipinatutupad ng Home Development Mutual Fund (HDMF) o mas kilala sa tawag na Pag-Ibig ang lahat ng mga programa nito dito sa Sorsogon partikular ang Housing at Multi-Purpose Loan Program nito.
Ito ang kinumpirma at pagtitiyak ni Loan Accounting Division Chief at Officer In-Charge Victor Solomon sa kanilang programang “Pagtutulungan sa Kinabukasan; Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno”.
Aniya, regular nilang ipinatutupad ang mga programa ng kanilang ahensya sa Sorsogon at maging sa mga lalawigan ng Albay, Masbate at Catanduanes na sa tuwina ay nakakarananas ng kalamidad kung kaya’t walang dapat na ikabahala ang mga kasapi nito.
Sinabi pa ni Solomon na kung dati ay dalawang taon ang hihintayin bago muling makapag-loan sa kanila, sa kasalakuyang patakaran ay anim na buwan na lamang ang hihintayin upang maka-renew ng loan ang isang miyembro nito.
Binigyang katiyakan din ng opisyal na patuloy na makatatanggap ng de-kalidad na serbisyo ang lahat ng mga kasapi ng HDMF o Pag-Ibig sa rehiyon ng Bikol.
Ilan sa mga programa nito ay ang membership, short term loans sa ilalim ng provident program, housing loan, programa para sa mga developers at programa para sa mga imbestor tulad ng housing bond.
Samantala, higit pang pinalalawak ngayon ni Provident Division Chief Engr. Gerald Xavier O. Zantua ang kanyang kaalaman ukol sa iba’t-ibang mga istratehiyang makakatulong pang lalo para sa ikauunlad ng mga kasapi ng Pag-Ibig.
Matatandaang umaani ng magandang reputasyon mula sa mga pampamahalaan at pribadong empleyado sa bansa ang HDMF bilang funding agency ng mga ito sa ilalim ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), kung kaya’t ayon kay Solomon ay minamantini nila ito nang sa gayon ay hindi sila mapahiya sa mga kliyenteng pinagsisilbihan nila. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment