Wednesday, April 18, 2012

903rd Inf Bgde at 9IB pinarangalan bilang Best Brigade at Best Battalion


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 18 (PIA) – Kinilala ng Philippine Army Headquarters ang 903rd Infantry Brigade at ang 9th Infantry Battalion bilang Best Infantry Brigade at Best Infantry Battalion ng 9th Infantry Division para sa taong 2011.

Tinaggap ni Col. Felix Castro, Jr., Commanding Officer ng 903rd Infantry Brigade ang Commanding General Philippine Army Award of Merit at Command Plaque na personal na iginawad ni 9ID Asst. Division Commander Col. Aurelio Baladad.

Ayon kay Col. Castro, nakamit nila ang prestihiyosong parangal dahilan na rin sa sipag ng kanyang mga tauhan at sa magandang samahan sa pagitan nila at ng iba’t-ibang mga ahensya at organisasyon na naging daan upang matagumpay nilang maipatupad ang kanilang pangkapayapaan at pangkaunlarang programa sa lalawigan ng Sorsogon at Masbate.

Isa sa mga naging focus area nila ay ang Brgy. Pandan sa Castilla, Sorsogon na dating pinamumugaran ng mga rebeldeng New People’s Army subalit sa masigasig na pagtutulungan ng mga militar at pamayanan ay tuluyan nang nawala ito noong 2009 at nakapamuhay ng payapa ang mga residente hanggang sa kasalukuyan.

Matatandaang matagumpay na naipatupad ang “Tarabangan sa Brgy. Pandan” Project na naging daan upang makapagtayo ng mga bagong silid-aralan, makapaglagay ng kalsada at irrigation canal, makapagsagawa ng feeding program, maipakilala ang industriya ng abaca at makapag-sponsor ng mga iskolar ang 903rd Inf Bgde sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan at pribadong institusyon.

Naging aktibo din ang 903rd Inf Brgde sa pagpapatupad ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program at pagtulong sa mga medical mission partikular sa malalayong barangay ng Castilla, Casiguran at Matnog, Sorsogon.

Suportado din nito ang School of Peace Program ng Bicol Consortium for Peace Education and Development na pinondohan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Proces (OPAPP).

Sa kasalukuyan ay balak din ng 903rd Inf Brgde na makapagtayo ng “Green Camp” sa lupang donasyon sa kanila ni Castilla Mayor Olive Bermillo bilang dagdag pang kontribusyon ng kanilang mga kasundaluhan sa pangangalaga sa kalikasan.

Ayon pa kay Col. Castro, ang mga nagawa nila at gagawin pa ay patunay na ang pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran ay hindi lamang nakukuha sa pamamagitan ng pagrerebelde sa pamahalaan at pakikipaglaban bagkus ay sa tulungang pagsisikap at kontribusyong maaaring maibigay, maging ito man ay grupo o indibidwal. (WCQuerubin, PA/BArecebido, PIA Sorsogon)

No comments: