Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 16 (PIA) – Aminado si Sorsogon Governor Raul R. Lee na napakalaking tulong sa kapayapaan sa buong lalawigan ng Sorsogon, lalong-lalo na sa unang distrito ng Sorsogon ang pagkakalagay ng Barangay Defense System (BDS) sa bayan ng Castilla, Pilar at Donsol.
Ang BDS ay bahagi ng kumprehensibong plano ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas kaugnay ng pagpapatupad ng kanilang inisyatibong pangkapayapaan at pangkaunlaran sa mga pamayanan kung saan sa sistemang ito ay mismong ang mga kasapi ng barangay ang nagbabantay sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pagkakaisa, pag-iwas sa paggamit ng dahas at armas at pagtulung-tulungan para sa pag-unlad ng kanilang komunidad.
Aniya, mula nang mag-umpisang mabuo ang BDS sa Castilla at ginaya naman ito ng mga katabing bayan, humina na ang operasyon ng New People’s Army sa Castilla, Pilar at Donsol.
Dagdag din niya na humina na rin ang pangongolekta ng revolutionary tax ng mga rebeldeng NPA sa iba’t-ibang mga barangay na mayroon nang Barangay Defense System.
Ayon pa kay Lee, pati ang pangongolekta ng Permit to Campaign noong 2007 at 2010 election ay halos nawala na rin. Maliban sa BDS, utang din umano ang kapayapaang natatamasa ngayon sa lugar sa presensya ng mga kasundaluhan na maliban sa pagtugon sa kanilang mandating pagsugpo sa insurhensya ay aktibo din sa pagtulong sa ikauunlad ng mga pamayanan tulad na lamang ng pagtulong sa pagpapalawak at pagpapalakas pa ng edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, at kalusugan, at kasama na rin ang pagbibigay-tulong pangkabuhayan sa mga mamamayan.
Ang BDS ay itinatag ni dating Castilla mayor renator Laurinaria noong siya pa ang naninilbihang alkalde sa Castilla kung saan naglunsad ito ng all-out war laban sa mga NPA.
Matatandaang hiniling din ni Gov. Lee kay Armed Forces Chief of Staff Lt. Gen. Jessie Dellosa noong bumisita ito dito noong nakaraang buwan na kung maaari ay maglagay din ng BDS sa iba pang panig ng lalawigan lalo na sa ikalawang distrito ng Sorsogon.
Naniniwala aniya siyang kung mapapalawak pa ang pagtatatag ng BDS sa lalawigan ay tiyak na tuluyan nang makakamit ang pangkalahatang kapayapaan at kaunlaran sa mga pamayanan. (SG/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment