Wednesday, April 18, 2012

Bagong TESDA provincial office pasisinayaan; TESDA General Secretary Villanueva bibisita sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 18 (PIA) – Matapos ang mahabang panahong paghihintay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Sorsogon para sa pagkakaroon ng sariling provincial office, masayang inihayag ni TESDA Provincial Director Rodolfo Benemerito na sa wakas ay mayroon na silang sariling gusali na matatagpuan sa City Hall Complex, Brgy. Cabid-an, Sorsogon City.

Ayon kay Benemerito, pasisinayaan at pababasbasan ang bagong TESDA Sorsogon Provincial Office bukas, April 18, 2012, ala-una y medya ng hapon kung saan magiging espesyal na panauhin si TESDA General Secretary Joel Villanueva na nakatakda ring bumisita sa rehiyon ng Bikol simula ngayon, April 18 hanggang sa Biyernes, April 20, para sa mga kaganapang may kaugnayan sa operasyon ng Technical Vocational Education and Training (TVET) sa buong rehiyon.

Alas nueve ng umaga bukas ay darating sa tanggapan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee si Gen. Sec. Villanueva kasama ng mga opisyal ng TESDA Regional Office V para sa kanyang courtesy call at agad na magtutungo sa bayan ng Prieto Diaz para sa paglulunsad ng Integrated Eco-Wellness Program kasama na ang pirmahan ng memorandum of Agreement, turn-over ng mga kagamitan tulad ng Video Compact Disc (VCD) at iba pang mga reference material para sa pagpapatupad ng TVET. Magkakaroon din ng Opening program para sa hilot wellness massage at hairdressing sa kaparehong lugar.

Ala-una ng hapon ay magsasagawa naman ang mga opisyal ng courtesy call sa tanggapan ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda at pakikipagdayalogo sa mga stakeholder ng TVET upang mabigyan pa ng pagkakataon ang magkabilang panig na makapagtalastasan at makapagpaabot ng mga usapin at isyung may kaugnayan sa TVET sa Sorsogon.

Matapos ang dayalogo ay susundan ito ng pagbabasbas at pasinaya ng bagong tanggapan ng TESDA Sorsogon at tree planting activity bago tuluyang bumalik ang grupo sa Naga City.

Inaasahang ang pagbisita ni Gen. Sec. Villanueva at iba pang mga matatas na opisyal ng TESDA ay magbubukas pa ng mas maraming oportunidad para sa technical-vocational development sa lalawigan ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: