Thursday, April 19, 2012

Earth day ipagdiriwang, tree planting at coastal clean-up tampok na mga aktibidad


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 19 (PIA) – Sa darating na ika-22 ng Abril ay muling ipagdiriwang partikular ng mga makakalikasang grupo at institusyon ang Earth Day.

Layunin ng pagdiriwang na ipakita sa bawat tao ang kagandahan ng mundo at ipanawagan sa bawat indibidwal, organisasyon at mga institusyon na gawin ang kanilang bahagi upang mapangalagaan ang mundo para sa sustenableng hinaharap.

Sa Sorsogon, dalawang grupo sa dalawang magkaibang araw ipagdiriwang ang Earth Day.

Sa panig ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sorsogon  at ng Provincial ENRO, katuwang ang 903rd Infantry Brigade, lokal na pamahalaan ng Castilla, residente ng Brgy. Amomonting sa Castilla at mga tauhan at mag-aaral ng Sorsogon State College Castilla Campus, ay magdiriwang ng Earth Day sa darating na ika-20 ng Abril.

Ayon kay PENR Officer Engr. Maribeth L. Fruto dahilan sa nataong araw ng Linggo ang aktwal na pagdiriwang ay ginawa na lamang nila ito sa araw ng Biyernes upang makalahok din ang mga katuwang nilang ahensya.

Aniya, magsasagawa sila ng tree planting, re-planting at ring weeding activity sa Brgy. Amomonting, Castilla. Ito umano ang model site ng Upland Development Project at Reforestation Project ng PENRO-LGU na may layuning protektahan at palaguin ang sampung ektaryang lupain sa pamamagitan ng pagtatanim ng iba’t-ibang mga punong pang-kagubatan (forest trees) kasama na rin ang mga namumungang punong-kahoy.

Samantala, ipagdiriwang naman ng Provincial Tourism Office ang Earth Day sa araw mismo ng selebrasyon nito sa Abril 22, araw ng Linggo. Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis isang coastal clean-up ang gagawin nila sa Brgy. Dancalan sa Donsol partikular sa mga dinarayong lugar panturismo doon.

Katuwang naman nila sa gagawing aktibidad ang mga tauhan ng pamahalaang bayan ng Donsol, mga mangingisda at Scubasurerong kasapi ng Municipal Police Station ng Donsol.

Bago ang aktwal na coastal clean-up ay magsasagawa ang mga lalahok ng isang Fun Run activity sa palibot ng lugar kung saan sila magsasagawa ng clean-up drive. Ang malilikom na pondo ay idadagdag sa pagmantini ng Tourism Center sa Donsol. (BArecebido, PIA Sorsogon)

No comments: