Wednesday, April 11, 2012

Dalawang barangay sa Sorsogon City benepisyaryo ng Child Health Now Project


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 11 (PIA) – Upang maiwasan ang wala sa oras na pagkakamatay ng mga bata, ilulunsad sa lalawigan ng Sorsogon ng World Vison Development Foundation, Inc. (WVDFI) ang Child Health Now Project, ang kauna-unahang global advocacy campaign sa kontinente ng Asya.

Ayon kay World Vision Health Advocacy Specialist Christopher Estallo, ang Child Health Now Project sa Sorsogon ay ilulunsad sa Hulyo ngayong taon.

Parikular na magiging benepisyaryo nito ang mga barangay ng Macabog at Pamurayan na kabilang sa kanilang area development program.

Matatandaang isa ang lalawigan ng Sorsogon na nakapasok sa anim na area development programme ng WVDFI na sinimulang ipatupad noong taong 2011 at magtatagal hanggang sa 2015.

Napili naman ang lungsod ng Sorsogon dahil sa magandang sistema ng pamamahala, kakayahang maipagpatuloy ang programang nasimulan at may pagpapahalaga sa ginagawang pagsisikap ng WVDFI bilang partner nito sa mga proyektong ipinatutupad sa buong Sorsogon.

Ang napiling mga barangay sa Sorsogon City ang nanguna sa kanilang listahan sa may mataas na bilang ng malnutrisyon.

Samantala, sa statistics na inilahad ni Estallo, 40 porsyento sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga batang may edad lima pababa ay neo-natal, 19 porsyento ay dahil sa pneumonia, 18 porsyento ay sanhi ng pagtatae o diarrhea, habang tatlong porsyento nito ang nahahawaan ng HIV/AIDS, dalawang porsyento ay sanhi ng measles o bulutong, walong porsyento ay sanhi ng malaria at sampung porsyento nito ay sanhi ng iba’t-iba pang mga uri ng sakit.

Lumabas din umano sa pag-aaral na 8.1 milyon na mga bata ang namamatay bawat taon.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Estallo ay dapat na magkaroon ng malawakang pagpapaabot ng impormasyon ukol sa tamang pangangalaga sa kalusugan at magkaroon ng aktibong partisipasyon sa mga proyektong pangkalusugan ang mga nanganganak na mga kababaihan upang maiwasan ang patuloy pang pagtaas ng bilang ng mga namamatay na bata.

Buo ang tiwala ng World Vision na maisasalba ang 1/3 na populasyon ng mga bata sa pamamagitan ng mura subalit mabilis at epektibong pagbibigay solusyon sa pinag-uugatan ng mga isyu ng pagkakamatay ng mga ina at mga bata at maging ng malnutrisyon.

Binigyang-diin din ni Estallo na upang maisakatuparan ito at upang makapagbigay sila ng serbisyong naaayon sa pagtugon sa suliraning ito ay higit pa nilang palalakasin ang kanilang relasyon sa iba’t-ibang mga stakeholder lalo na ang tri-media sa lalawigan.

Ayon pa sa kanya, magsasagawa din sila ng mga serye ng pakikipagdayalogo sa mga ito para sa kaukulang approach o pamamaraan sa pagpapatupad ng nasabing programa.

Positibo din siya na susuportahan ito ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon upang maging matagumpay at maging sustenable ang mga programang daan tungo sa kaunlaran ng mga pamayanan.

Ang Child Health Now Project ang isa din sa nakikita ng WVDFI bilang epektibong hakbang sa pagtugon sa Millennium Development Goal (MDG) No. 1(End Poverty and Hunger), MDG No. 4 (Child Health), MDG No. 5 (Maternal Health) at pati an rin ang MDG No. 6 (Combat HIV/AIDS). (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: