Thursday, April 12, 2012

Lokal na awtoridad nagpalabas ng abiso sa publiko ukol sa aktibidad ng NoKor


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 12 (PIA) – Kaugnay ng pagpapalipad ng missile o rocket ng North Korea, inabisuhan ng mga lokal na awtoridad dito ang publiko na pag-ibayuhin ang pag-iingat at maging mapagmasid sa kanilang kapaligiran simula Abril 12 hanggang sa Abril 16, 2012 upang maiwasan ang mga falling debris o bahagi ng missile na maaring malaglag sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Ayon sa mga awtoridad, sa kabila ng ipinalabas ng Philipine Nuclear Research Institute (PNRI) na wala naman umanong panganib laban sa radioactivity ang nasabing missile, nais pa rin nilang maiiwas ang publiko sa mga bahaging maaaring magdulot ng kapahamakan sa kanila. Mainam nang maging handa at maging maingat sa anumang maaaring mangyari upang matiyak ang zero casualty sanhi ng aktibidad na ito ng NoKor.

Sa ipinalabas na abiso ng Department of Interior and Local Government (DILG) Sorsogon, hiniling nito sa mga alkalde na payuhan ang kanilang mga nasasakupan na manatili na lamang sa loob ng kanilang mga tahanan sa panahong magpapalipad ng missile ang North Korea.

Maging ang mga mangingisda ay inabisuhan din na huwag na munang pumalaot sa panahong itinakda para sa gagawing testing.

Nakasaad din sa abiso na maging ang South Korea, Japan at Taiwan ay may balak ding hadlangan ang pagpapalipad na ito ng North Korea.

Sa abiso naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) alinsunod sa ipinalabas din NG National DRRMC, mahigpit na pinayuhan nito ang publiko na mag-ingat, manatili na lamang sa bahay kung wala namang mahalagang transaksyon sa labas, sakaling may mga malaglag na bahagi ang rocket o missile sa kanilang lugar ay huwag itong gagalawin bagkus ay ipaalam sa mga awtoridad tulad ng mga opisyal ng barangay, pulis, coast guard, Bureau of Fire protection o sa mga lokal na kasapi ng DRRMC.

Ayon naman kay Chief Petty Officer Magin Advincula ng Coast Guard Station Sorsogon, mahigpit din nilang sinusubaybayan ang mga katubigang sakop nila at inalerto na rin ang apat na coast guard detachment sa Sorsogon na kinabibilangan ng Bulan, Matnog, Pilar at Donsol.

Aniya, nagsagawa na rin sila ng public advisory lalo na sa mga media upang matulungan silang maipaabot ang impormasyon sa publiko at nanawagan din ito sa mga mangingisdang madalas pumalaot sa silangang bahagi ng karagatan ng Sorsogon lalo na sa Bacon na iwasan na muna ang pagpunta roon.

Nilinaw din niyang walang ipinalalabas ang kanilang tanggapan ukol sa pagkakansela ng mga byaheng pandagat sa Sorsogon.

Matatandaang kasama ang Pilipinas sa iba pang bansa na nanawagan sa North korea na kanselahin na lamang nito ang planong paglulunsad ng nasabing missile. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: