Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 13 (PIA) – Isa ang kawayan sa kinakikitaan ngayon ng potensyal hindi lamang sa bahaging pangkabuhayan kundi bilang pananggalang sa mga kalamidad tulad ng baha at pagguho ng lupa.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sorsogon at Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), ang pagtatanim ng mga kawayan sa mga gilid ng ilog ay isa sa mga tinitingnang pamamaraan upang makabawas sa epektong maaaring idulot ng pagbabago ng panahon ngayon.
Nahahadlangan umano nito ang posibilidad ng pagguho ng lupa sa mga gilid ng ilog sapagkat may kakayahan ang mga ugat nito na patigasin ang lupang kinatataniman nito.
Mungkahi din ng DENR at ng PENRO sa Philippine National Police (PNP) Sorsogon na isama ang pagtatanim ng kawayan sa komprehensibong pagpapatupad nito ng National Greening Program (NGP) ng pamahalaan.
Matatandaang sinimulan na ng PNP noong Pebrero ngayong taon ang malawakang pagtatanim ng mga puno ng kahoy sa ilalim ng “Pulis Makakalikasan: 10 Milyong Puno, Pamana sa Kinabukasan” Program, kung saan ang bawat kasapi ng PNP ay dapat na makapagtanim ng anim na puno ng kahoy buwan-buwan hanggang sa Pebrero, 2013.
Mainam din anilang maturuan ang mga kapulisan ukol sa pagtatayo ng nursery kung saan magpapatubo sila ng mga buto doon nang sa gayon ay di sila maubusan ng mga itatanim.
Sa pahayag pa ng dalawang ahensya, dati umanong Community-Based Resource Management Project site ng Sorsogon ang mga lugar ng Castilla, Casiguran, Juban, Magallanes at lugar malapit sa Cawayan River sa Sorsogon City, subalit simula ng magtayo ng mga river guard dito ay natigil na ang pagpapatanim ng mga kawayan kung kaya’t nais umano nilang buhaying muli ito sa pamamagitan ng paghikayat sa mga indibidwal o organisasyong nagtatanim ng mga puno.
Maging ang Provincial Tourism Office ay inayunan din ang suhestyon lalo pa’t balak na isulong at paigtingin ng Provincial Government ang Agri-Tourism sa Sorsogon.
Samantala, matatandaang dati nang binisita ang Sorsogon ng isang negosyanteng Australyano kung saan ipinakita nito ang potensyal ng kawayan bilang isang magandang uri ng plywood o mas kilala bilang ‘bambooply’ at bilang isang magandang materyal sa paggawa ng mamahaling tela dahil sa fiber content nito.
Aniya, magandang lugar ang Sorsogon na pagtaniman ng kawayan dahilan sa naaayon ang kondisyon ng panahon dito upang madaling mabuhay ang ganitong uri ng pananim. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment