Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 30 (PIA) –
Kaugnay ng pagdiriwang ng World Press Freedom Day sa Huwebes, May 3, isang araw
na aktibidad ang pangungunahan ng grupo ng mga lokal na mamamahayag sa Sorsogon.
Ayon kay Administrative Support at Adhoc
Secretary Alice Lilian Lopez, alas sais ng umaga ay
gagawin ang opening program sa Sorsogon
Baywalk kung saan magpapalipad ng mga lobo at saranggolang may nakasulat na
“World Press Freedom” bilang pagpukaw sa kamalayan ng publiko ukol sa kalayaan
sa pamamahayag.
Isang Agahan ng Pagkakaisa o Solidarity
Breakfast ang gagawin sa Kapihan ni Tya Tinay matapos ang gagawing aktibidad sa
Sorsogon Baywalk.
Alas-otso ng umaga hanggang ala-una ng
hapon ay magkakaroon ng Seminar kung saan tampok ang paksa ukol sa Libel at
Media Ethics na gagawin sa Sorsogon National High School Function Hall.
Inaasahang magiging mga tagapagsalita sa
gagawing seminar sina Atty Bart Rayco, regional coordinator ng National Union
of People’s Lawyer’s-Bicol Coordinating Body at
Judge Marie Louise Guan-Aragon, presiding judge ng Bulan Municipal Trial Court.
Susundan ang bawat pagtalakay ng isang open forum upang higit pang malinawan
ang ilang mga isyung may kaugnayan sa temang inilahad ng mga tagapagsalita.
Magtatapos ang selebrasyon at aktibidad sa isang
palabas ukol sa mga naganap na pagpatay sa mga mamamahayag at candle-lighting
ceremony sa Capitol Park.
Ayon kay Lopez, bukas din ang aktibidad
para sa mga media relations officer at journalism students. Bawat kalahok ay
makatatanggap ng setipiko ng pakikilahok at media kit.
Aniya, layunin din ng pagdiriwang sa
Sorsogon na masimulan na ang pagkakaisa ng mga lokal na mamamahayag dito upang
sa kalaunan, ay makabuo ng isang organisasyong tutugon sa panganagailangan at
kapakanan ng mga nasa industriya ng media sa Sorsogon kasama na rin ang
pagpapaigting pa ng kanilang propesyunal na kaalaman bilang media practitioner.
At sa pangunang aktibidad, ayon pa kay
Lopez, ay muling magkakaroon ng isang seminar sa darating na ika-12 ng Mayo
ngayong taon sa pangunguna nina Rowena Paraan, Secretary General ng National
Union of Journalists of the Philippines at Bayan Muna Representative Teddy
Casiño. Ang nasabing seminar ay tutuon sa Libel, Media Ethics, at Freedom of
Information bill.
Pagsisikapan din umano ng bubuuing grupo na
makapagsagawa ng data banking at profiling ng mga media sa Sorsogon upang
matukoy at mapagsikapang matugunan ang mga pangangailangang makikita dito.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment