Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 3 (PIA) – Upang
mapataas pa ang antas ng serbisyong ibinibigay ng Bureau of Fire Protection
(BFP), inilatag ni Provincial Fire Marshal CInsp Achilles Santiago ang ilang
mga pag-aaral at suhestyon upang matugunan ito sa ilalim ng kanilang 5-yr
(2012-2016) Development Plan.
Aniya, kabilang sa mga dapat pagtuunang-pansin
ay ang personnel, financial at operational resources, water sources at support
groups.
Ayon kay Santiago, sa bahagi ng kanilang
personnel resources, nais ng kanilang tanggapan na makamit ang tamang bilang ng
mga bumberong makatutugon sa pangangailangan ng populasyon ng lalawigan. Aniya,
sa kasalukuyan, ang isang bumbero ay may 2,000 populasyong dapat bantayan at
respondehan.
Sa Sorsogon, 133 na mga tauhan ng BFP ang
sa ngayon ay nakakalat sa iba’t-ibang mga fire station at aabot pa umano sa 197
na bilang ng tauhan ang kailangan upang maging ideal para sa “one (1) fireman is to 2,000 population
ratio” at maibigay ang “hundred
percent excellent performance” ng BFP.
Dapat din umanong mapataas ang antas ng educational criterion ng BFP bilang
tugon sa R.A. 9592 sa pamamagitan ng pagpapaigting ng pakikipag-ugnayan sa mga
paaralang nagbibigay ng Expanded
Accreditation Tertiary Educational Programme, at sa pamamagitan ng
paghikayat sa mga tauhan ng BFP na samantalahin ang mga local scholarship
program ng mga ahensya ng pamahalaan at non-government organization.
Dagdag pa niyang dapat na pataasin ang
kasanayan at kaalaman ng mga bumbero sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga
mandatory exercises at espesyal na mga kursong ibinibigay ng Fire National
Training Institute.
Sa panig ng operational resources,
pinagsisikapan umano nilang maayos at makumpleto ang kanilang mga fire
suppression tool, pagtatatag ng fire suppression team, pag-aayos ng mga fire
station, pagkakaroon ng kaukulang bilang ng fire truck at ambulance,
pagkakaroon ng kahit man lang isang yunit ng base radio at dalawang handheld
radio sa bawat fire truck at dalawang self-contained breathing apparatus. Sa
Sorsogon, pitong firetruck na kumpleto sa kagamitan ang kailangan pa upang
maserbisyuhan nang maayos ang kasalukuyang populasyon ng lalawigan.
Ayon pa kay Santiago dapat ding
maisa-alang-alang ang tamang budget para sa BFP upang matugunan ang
administrative at operational activitiy ng mga fire stations. Kabilang na umano
dito ang office supplies, preventive maintenance, petrolyo at computer
equipment.
Sinabi pa ni Santiago na napakahalaga rin
na madagdagan ang mga water source tulad ng fire hydrant sa lungsod at sa
labing-apat na munisipyo dito sa pakikipag-ugnayan sa local water district at
ipinanawagan din nito ang tamang pangangalaga sa mga likas na yamang nagbibigay
ng natural na suplay ng tubig tulad ng ilog at mga sapa.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang
suporta mula sa iba’t-ibang mga ahensya at grupo sa pamamagitan ng pagtatasa at
pagrerebisa ng mga Memorandum of Agreement (MOAs) at pagtatatag ng mga
Community-Based Fire Protection Programme sa mga paaralan at opisyal sa
barangay at maging sa mga NGO sa pamamagitan naman ng pagbubuo ng mga Community
Volunteer Fire Brigade. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment