Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 2 (PIA) – Iba’t-ibang
mga proyekto ng pamahalaang lokal at nasyunal ang pinakikinabangan na at
pakikinabangan pa ng mga kasapi ng Seaweed Grower and Aquaculture Association
of Sorsogon, Inc. (SEAGRASS) sa Brgy. Gimaloto, lungsod ng Sorsogon.
Ang SEAGRASS ay isang people’s organization
na binubuo ng mga mangingisda at magsasaka ng Brgy. Gimaloto sa kanlurang
distrito ng lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic
Resources (BFAR) Sorsogon Provincial Fishery Officer Gil Ramos, kasalukuyang
benepisyaryo ang SEAGRASS ng aquasilvi culture project na bigay ng BFAR tulad
ng sakahan ng gulaman at produksyon ng tahong. Ang proyekto ay nagkakahalaga
umano ng P150,000 at bago matapos ang buwan ng Mayo ay aanihin na ang mga
produktong galing dito.
Dagdag pa ni Ramos na nagtayo din ng “hilay”ang BFAR, isang lugar pangitlugan
at tirahan ng mga isda, na magbibigay din ng proteksyon laban sa mga ilegal na
aktibidad sa karagatan. Nagbigay din umano sa SEAGRASS ang BFAR ng isang 6.5
horse power na bangkang de motor at bahay kubo upang magamit ng organisasyon at
mga kasapi nito.
Samantala, ayon naman kay Community
Environment and Natural Reources (CENR) Officer Krisanta Marlene P. Rodriguez, sa
pakikipag-uganayan ng CENRO sa City Agriculture Office kaugnay ng ipinatutupad
na National Greening Program ng pamahalaang nasyunal, ang SEAGRASS din ang napiling
magiging benepisyaryo ng 100 ektaryang mangrove site sa Brgy. Gimaloto.
Aniya, ang SEAGRASS ang magiging
tagapangalaga at tagabantay ng nasabing mangrove site sa loob ng 25 taon
matapos ang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA).
Ayon kay SEAGRASS president Redentor Lasay,
ang 100 ektaryang lupain ay kasalukuyang natataniman na ng iba’t-ibang mga mangrove
species tulad ng bakhaw, pagatpat, miyapi, lapis-lapis, nipa, at iba pa.
Kasama umano sa inisyal na napagkasunduan
na ang SEAGRASS ang siyang mangangasiwa sa pangangalaga at pagpapaunlad pa ng
lugar. Maaari din umano silang makabenepisyo sa mga itatanim na puno ng bakawan
kung saan papayagan ang mga kasapi na kumuha ng sanga ng bakawan at nipa at iba
pang ani mula sa aquasilvi culture project sa ilalim ng patnubay ng Department
of Environment and Natural Resources (DENR) at ng BFAR.
Dagdag pa nito na nakatakda na rin umanong
magsagawa ng assessment at survey ang BFAR at CENRO ngayong linggo
upang matukoy ang uri ng bakawan na maaaring itanim sa lugar.
Ang mga propagules
na itatanim sa lugar ay bibilhin na rin mula mismo sa mga kasapi ng SEAGRASS, sila
na rin ang magtatanim, susubaybay at mag-aalaga hanggang sa lumaki ang mga ito
sa loob ng anim na buwan.
Sinabi naman ni City Agriculturist Adeline
Detera nakatakda ring magtayo sa Brgy. Gimaloto ang City Agriculture Office ng
isang ektaryang Mangro-vetum, isang
nursery ng mangrove propagule upang matustusan ang nasabing mangrove project at
upang maipakita din sa publiko ang iba’t-ibang mga uri ng mangrove sa species
na matatagpuan dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment