Thursday, June 7, 2012

Internal Peace and Security Plan, maaayos na naipapatupad ayon sa Phil. Army


LUNGSOD NG SORSOGON, June 7 (PIA) – Sa ipinalabas na istatistika ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, maayos na naipatutupad ng mga kasundaluhan ang Internal Peace and Security Plan (IPSP) “Bayanihan” sa bansa.

Sa naging pahayag ni Lt. Gen. Emmanuel Bautista, commanding general ng Philippine Army, bumaba noong nakaraang taon ng labing-isang bahagdan ang bilang ng karahasan o violence rate ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA), samantalang limampu’t-anim na bahagdan naman sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kumpara noong taong 2010.

Sinabi ni Bautista na maraming kasapi din ng Abbu Sayyaf Group ang nahuli ng mga militar simula nang ipatupad ang IPSP Bayanihan ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng heneral na bagama’t maayos na naipatutupad ang IPSP ay kailangan pang dagdagdan ng mga kasundaluhan ang kanilang pagsisikap katuwang ang Philippine National Police at iba pang mga stakeholder upang tuluyan nang malutas ang “Internal Threats” hanggang 2016 at nang maituon na rin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kanilang misyon sa kanilang “territorial duties”.

Samantala, sa ginawang press conference kahapon kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan ng pilipinas ngayong taon, sinabi ni 903rd Infantry Brigade Commanding Officer Col. Felix Castro, Jr. na bagama’t may mga tinatawag na “priority areas” ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas pagdating sa insurhensiya, buo ang tiwala nila na matutuldukan na rin ang insurhensya sa bansa bago matapos ang 2016 lalo na’t unti-unti na ring namumulat ang mga mamamayan sa kanayunan ukol sa tunay na kahalagahan ng kapayapaan at sa katotohanang hindi digmaan at rebelyon ang sagot sa pagkamit sa tunay na kapayapaan.

Nanawagan din ito sa mga media na tulungan silang maipalabas ang katotohanan ukol sa pagkamit sa tunay na kapayapaan at sa paghikayat sa mga rebelde na magbalik-loob na sa pamahalaan at mamuhay ng mapayapa.

Sakali umanong maging “manageable” na ang insurhensiya sa bansa ay ibibigay na nila ang pamamahala sa mga Local Government Unit at sa Phil. National Police.

Binigyang-diin din nito na hindi dapat na nakaatang lamang sa balikat ng AFP ang pagbibigay proteksyon sa bansa laban sa mga kaaway at mananakop sapagkat napatunayan na sa kasaysayan ng bansa kung paanong nakipaglaban hindi lamang ang mga aramdong lakas ng bansa at mga gerilya kundi ang bawat Pilipino. (BARecebido, PIA Sorsogon/Phil. Army)

No comments: