Tuesday, June 5, 2012

Sorsogon handa na sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan 2012


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, June 5 (PIA) – Handang-handa na ang lalawigan ng Sorsogon para sa pagdiriwang ng ika-114 na taong anibersaryo ng Kasarinlan ng Bansang Pilipinas laban sa mga mananakop nito.

Sa isinagawang pagpupulong kahapon ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, isinapinal na ang limang-araw na mga aktibidad kung saan inaasahang mas magiging makahulugan ito dahilan sa pagkakaisa at aktibong partisipasyon ng mga lokal at pambansang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Gov. Lee, higit na mararamdaman ngayong taon ng ga Sorsoganon ang kabuluhan ng pagdiriwang ng kasarinlan sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga programa at serbisyong ipapakita ng bawat ahensyang kasali.

Aniya, taliwas sa mga nagdaang mga taon kung saan simpleng ipinagdiriwang ang Philippine Independence Day sa pamamagitan ng Flag Raising Ceremony, pagkanta ng Lupang Hinirang, Panunumpa sa Watawat at pag-alay ng mga bulaklak sa paanan ng rebulto ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, ngayong taon ay dadagdagan pa ito ng Pagpupugay sa Watawat at symbolic tree planting sa palibot ng Kapitolyo mismong sa Hunyo 12.

Sa halip din na isang araw lang ay gagawin ang selebrasyon sa loob ng limang araw mula Hunyo 9 hanggang sa Hunyo 13, 2012 kung saan maglalagay ng mga booth ang mahigit sampung mga ahensya upang ipakita ang kani-kanilang mga natatanging serbisyong tunay na mapapakinabangan ng mga Sorsoganon.

Ayon naman kay Col. Felix Castro, commanding officer ng 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army at over-all working committee chair ng selebrasyon ng Philippine Independence Day 2012 sa Sorsogon, isang mini-kasanggayahan ang magaganap na pagdiriwang, ang pagkakaiba nga lamang sapagkat sa taunang Kasanggayahan Festival ng lalawigan ay tampok ang mga produktong agrikultural at lokal na serbisyo ng probinsya, habang ang pagdiriwang ngayon ay tatampukan ng mga programa, mandato at serbisyo ng mga tanggapan sa Sorsogon.

Kabilang sa mga aabangan ng publiko sa loob ng limang araw na pagdiriwang ay ang free massage at hair-cut ng mga kasundaluhan, libreng blood pressure check-up at first aid services ng Department of Health (DoH), Provincial Health Office (PHO) at ng Philippine Red Cros’ (PRC); jobs fair ng Department of Labor and Employment (DOLE), Provincial Employment Services Office (PESO) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH); National Certificate assessment, scholarship at demonstration skills naman ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA); K to 12 at mother tongue-based instruction program ng Department of Education (DepEd); habang exhibit ng mga produkto, diskwento caravan para sa mga kagamitan sa pag-aaral at iba’t-ibang mga training program naman ang ibibigay ng Department of Trade and Industry (DTI).

Nakatakda namang magbigay ng lecture, demonstration, audio-visual presentation at information dissemination activities ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Civil Service Commission (CSC), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Information Agency (PIA) at Governor’s Office habang mamamahagi naman ang Provincial Tourism Office ng mga flyers at postcard at ipapakita din sa kanilang booth ang magagndang destinasyong panturista ng Sorsogon.

Pangungunahan din ng Provincial Tourism Office ang ilan pang mga aktibidad tulad ng libreng pag-iikot sa museum at freedom concert sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police at iba pang mga organisasyong nagsusulong ng lokal na talento.

Isang press conference ang nakatakdang gawin sa darating na Miyerkules para sa malawakang pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko upang mahikayat ang mga ito na makiisa at suportahan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagbisita sa Capitol Park mula Hunyo 9 hanggang 13. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: