Friday, June 1, 2012

Mga residente ng Sorsogon pinag-iingat bunsod ng bagyong "Ambo"

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, June 1 - Sa kasalukuyang lagay ng panahon sa lalawigan ng Sorsogon, maitim na ulap ang bumabalot sa papawirin at nakararanas din ng manaka-nakang mga pag-uulan sa buong probinsya.
 
Nananatili namang nakaantabay ang local disaster coordinating board dito sa anumang mga kaganapang maaaring idulot dala ng bagyong “Ambo” sa lalawigan ng Sorsogon.
 
Inabisuhan na rin Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) sa pamamagitan ng Sorsogon Provincial Disaster Management Office ang lahat ng mga Municipal at Barangay DCC na maging alerto at mag-ingat lalo na yaong mga nakatira sa mababang lugar at malalapit sa mga sapa, ilog at dagat.
 
Ayon naman kay Philippine Coast Guard Sorsogon Deputy Station Commander Chief Petty Officer Magin Advincula, matapos na kanselahin kahapon ng Philippine Coast Guard Sorsogon Station ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat at maging ng mga sasakyang pandagat na may bigat na 1,000 tonelada bunsod ng pagpasok ng bagyong “Ambo”, ay pinahintulutan na rin itong muling makapaglayag kaninang alas-sais ng umaga, subalit mahigpit pa rin ang panawagan ng Coast Guard sa mga ito na mag-ingat sa kanilang paglalayag.
 
Habang hindi naman umano kinasela ang mga byahe ng sasakyang pandagat sa pantalan ng Bulan at Pilar.(FBTumalad, Jr./BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: