Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 31 (PIA) – Sa
kabila ng dalawang taong panahong itinakda ng Comission on Elections (Comelec)
para sa Continuing Voter’s Registration at Validation, dagsa pa rin ngayong
huling araw sa tanggapan ng Comelec ang mga botanteng nais magparehistro para
sa 2013 midterm elections.
Ayon kay Provincial Election Supervisor
Atty. Calixto Aquino, Jr., ang nakagawiang “last hour attitude” at “manana
habit” ng mga Pilipino ang nais na baguhin ngayon ng Comelec kung kaya’t
determinado silang sundin ang itinakdang panahon ng voter’s registration at
validation, at huwag nang magbigay pa ng anumang extension ito.
Aniya, isasara na ang pagtanggap ng mga
botanteng magpaparehistro alas singko ng hapon mamaya. Sinabi ng opisyal na sa
ipinalabas nilang guidelines, kung mahaba pa ang pila, alas tres ng hapon ay
ililista ng assistant colemec supervisor ang pangalan ng mga magpaparehistro at
tatawagin ito ng tatlong beses, sakaling wala sila sa loob ng tanggapan ng
Comelec ay hindi na ito bibigyan pa ng pagkakataong makapagparehistro.
Kahit pa umano nakapagsumite na ito ng
application form kung hindi siya dumaan sa biometrics registration ay hindi
siya kunsideradong lehitimong botante sa 2013.
Ginagawa nila umano ang ganitong hakbang
nang sa gayon ay madisiplina at matuto ang mga Pilipino na sumunod sa
itinatakdang mga patakaran at maalis na ang mga kaugaliang hindi nakakatulong
para sa maayos na operasyon ng mga tanggapan tulad ng Comelec. Mahaba na rin
umano ang palugit na ibinigay ng Comelec para sa mga ito kung kaya’t wala na
silang dahilan pa upang magreklamo.
Sa bahagi naman ng validation, sinabi
niyang mas magandang ma-validate ng botante ang dati nitong voter’s
registration, subalit nilinaw din niyang maaari pa ring makaboto ngayong 2013
elections ang botanteng hindi nakapagpa-validate, dapat lang umanong nakaboto
ito ng dalawang magkasunod nitong nakaraang mga eleksyon, noong 2010 national
election at Barangay at Sangguniang Kabataan election.
Samantala, sa pinakahuling tala ng Comelec
Sorsogon Provincial Office noong Hunyo 2012, nasa 18,185 ang mga bagong
botanteng nagparehistro, subalit ilang mga munisipyo ang hindi pa
nakapagsusumite sa kanila ng mga datos ng bagong botante sa kani-kanilang mga
lugar.
Noong 2010 election nasa 395,371 ang kabuuang
bilang ng mga botante.
Samantala, sa lungsod naman ng Sorsogon,
sinabi ni City Election Supervisor Atty. Ryan Filgueras na 80,000 hanggang
85,000 ang inaasahan nilang bilang ng mga lehitimong botante ngayong 2013
midterm elections sa Sorsogon City.
Malaking tulong umano ang isinagawa nilang
satellite registrations sa mga barangay upang maabot ang mga botanteng
kwalipikadong magparehistro mapabilis ang pagproseso ng mga voter's
registration. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment