Monday, October 29, 2012

Sakit sa bato maiiwasan sa pamamagitan ng healthy lifestyle at regular na pagpapatingin sa doktor



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 29 (PIA) – Maayos at malusog na pamumuhay pa rin ang pinakapangunahing paraaan upang mapanitili ng isang tao na normal ang kondisyon ng mga mahahalagang bahagi o vital organs ng kanyang katawan kabilang na ditto ang kidney o bato.

Ito ang binigyang diin ni Dr. Edwin Tan, isang doktor sa bato (nephrologist) sa ginawang espesyal na edisyon ng programa sa telebisyon ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon noong Sabado, Oktubre 27.

Ayon sa doktor, kadalasang pinag-uugatan ng sakit sa bato ang iba’t-ibang mga uri din ng sakit tulad ng diabetes, hypertension, pamamanas, urinary track infection at marami pang iba, na sanhi ng maling sistema ng pamumuhay.

Aniya, walang bawal na pagkain, dapat lamang umano na maging maingat ang publiko sa pagpili sa uri ng kanilang mga kinakain at dapat na kainin lamang ito “on a moderate basis” at hindi sobra sa pang-araw-araw na kailangang sukat ng katawan.

Ilan sa mga dapat iwasan ay ang pagkain ng sobrang maaalat, matataba o mamantika at matatamis. Maging ang paninigarilyo ay dapat na iwasan at makabubuti sa katawan ang magkaroon ng regular na ehersisyo.

Biigyang-diin din ni Tan na makabubuting magkaroon ng regular na pagpapatingin sa doktor at pagsasailalim sa urinalysis o pagpapatingin ng ihi kahit minsan sa isang taon upang maiwasan ang posible pang paglala ng mga sakit lalo na yaong makakaapekto sa normal na gawain ng kidney.

Ang sakit umano sa kidney o bato ay maaaring may mga sintomas na makikita at maaari ding walang sintomas, malalaman na lamang kung kailan huli na ang lahat.

Samantala binigyang-linaw din ni Tan ang ilang mga paniniwala na walang kaukulang pag-aaral o scientific basis, kung saan sinabi nitong hindi totoo na nakagagamot sa mga may sakit sa bato ang pag-inom ng sabaw ng buko. Aniya, mataas ang potassium at sugar content nito kung kaya’t mas lalo pang makasisira ang pag-inom nito sa halip na makatulong sa mga taong may sakit na sa bato at diabetes.

Maging ang pag-inom din ng tubig ay dapat nang bawasan at hindi lalampas sa isang litro sa buong araw sakaling hindi na normal ang trabaho ng bato sapagkat hindi na umano nito makakayang ilabas pa ang tubig bagkus ay mananatili na lamang ito sa loob ng katawan na magiging dahilan ng lalo pang pagmamanas ng pasyente.

Kaugnay nito, mahigpit niyang ipinapayo sa publiko, anumang edad nito, na pag-ibayuhin ang pag-iingat at dapat na pangalagaan ang mga kidney o bato sapagkat ito ang pangunahing bahagi ng katawan na naglalabas ng mga lason sa katawan ng tao.

Bagama’t kailangan lamang ng isang bato o kidney ng isang tao upang mamuhay ng normal, mahigpit pa rin ang paalala niya na mas mainam pa rin kung parehong malusog ang dalawang kidney na ibinigay ng Panginoon sa bawat tao. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: