Monday, November 26, 2012

903rd IB, PA may bagong Commanding Officer


Ni: Bennie A. Recebido 

Col. Joselito E. Kakilala
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 26 (PIA) – Isasagawa mamayang alas-dos ng hapon ang turn-over of command mula sa pamumuno ni Col. Felix Castro, Jr. papunta sa magiging bagong Commanding Officer ng 903rd Infantry Brigade (Inf Bgde), 9th Infantry Division (9ID), Philippine Army (PA) sa isang simpleng programa sa Brgy. Poblacion, Castilla, Sorsogon.

Papalitan si Col. Castro ni Col. Joselito E. Kakilala na nagsilbing Commander ng Armed Forces of the Philippines’ Task Force GenSan na nakabase sa General Santos City. Si Kakilala ay kasapi ng Philippine Military Academy (PMA) “Maharlika” Class na nagtapos noong 1984.

Habang si Col Castro naman ang papalit kay Brigadier General Aurelio B. Baladad bilang Assistant Division Commander ng 9ID ng Philippine Army na nakabase sa Pili, Camarines Sur. Si Col Castro ay kasapi naman ng PMA “Dimalupig” Class na nagtapos noong 1981.

Enero 26, 2011 nang madestino sa Sorsogon bilang commanding officer ng 903rd Inf Bgde si Col. Castro.

Col. Felix J. Castro, Jr.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, kinilala ng Philippine Army Headquarters ang 903rd Inf Bgde bilang Best Infantry Brigade noong 2011.

Sa pamamagitan ng magandang samahan ng mga opisyal at tauhan ng 903rd Inf Bgde at ng iba’t-ibang mga ahensya at organisasyon, pampamahalaan man o pribado, ay naging madali sa pamahalaan na maipatupad ng matagumpay ang kanilang pangkapayapaan at pangkaunlarang programa sa Sorsogon at maging sa Masbate.

Sa pakikipagtulungan sa nasabing mga ahensya at organisasyon, ilang mga bagong silid-aralan, kalsada at irrigation canal, feeding program at pag-iisponsor ng mga iskolar ang maibibilang sa mga mahahalagang kontribusyong nagawa ng 903rd Inf Bgde sa Sorsogon.

Aktibo din ang 903rd Inf Bgde sa pagpapatupad ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program at pagtulong sa mga medical mission at sa panahong nagkakaroon ng kalamidad partikular na sa tuwing sasabog ang Bulkang Bulusan.

Suportado din nito ang School of Peace Program ng Bicol Consortium for Peace Education and Development na pinondohan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Proces (OPAPP) at ang mga pangkalikasang programa ng Sorsogon.

Ayon kay Col. Castro, kasama na sa kanilang trabaho ang paglilipat ng mga destino subalit hindi pa rin naman siya umano mawawala sa Kabikulan. Dagdag din niya na magbago man sya ng lugar patuloy pa rin niyang ibibigay ang kanyang mga ideya at kakayanan para sa ikabubuti pa ng pagpapatupad ng mga programa ng AFP. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: