Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 27 (PIA) – Iprisinta
kahapon ng Department of Environment and Natural Resources – Environment
Management Bureau (DENR-EMB) sa isang public hearing ang resulta ng ginawa nilang
assessment at quarterly water quality monitoring sa Pilar Bay ngayong taon. Ito
ang naging basehan ng DENR-EMB upang matukoy ang klasipikasyon ng Pilar Bay.
Matatandaang sa ilalim ng Waterbody
Classification Program ng DENR-EMB, isinasailalim nila sa pagsusuri at
pagsubaybay ang mga katubigan sa rehiyon ng Bicol upang malaman ang
kasalukuyang uri ng tubig at ang aktwal na maaaring paggamitan nito. Ang
resulta ay gagamitin ng DENR-EMB bilang gabay sa tamang pamamahala at
proteksyon ng lahat ng mga katubigan sa rehiyon. Ang hakbang ay alinsunod din
sa Clean Water Act of 2004 (RA9275).
Ayon kay EMB Regional Director Roberto D.
Sheen, ang pagkakaroon ng public hearing ay kinakailangan upang malaman ng
publiko ang dahilan, proseso ng pagsagawa at resulta ng klasipikasyon o
pag-uuri ng isang katubigang tulad ng Pilar Bay, at upang makuha rin ang
saloobin ng publiko at ng lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar ukol sa
irerekomendang klasipikasyon ng EMB.
Ngayong taon isinailalim ang Pilar Bay sa
classification process upang matukoy kung saang klasipikasyon maibibilang ang look
ng Pilar.Ang pagtukoy ay ginawa ng EMB sa pamamagitan ng periodic sampling, quarterly
assessment at field survey.
Labing-dalawang sampling stations ang
itinayo sa Pilar Bay at upang matukoy ang uri ng tubig dito ay gumamit ang EMB
ng mga sumusunod na criteria: Water Temperature, PH level, Dissolved Oxygen,
Total Suspended Solids, Oil and Grease, Nitrates at Phosphorous content.
Ayon sa EMB, karamihan sa nakapalibot sa
Pilar Bay ay lupang agrikultural at mayroon din itong isang bahaging malaki ang
populasyon habang ang iba pang bahagi ay dinadaanan ng barko. Mayroon ding mga
kabakawanan o mangrove area para sa aqua-culture at pangingisda.
Mayroong apat na kategorya ang
klasipikasyon ng coastal at marine waters, ang Class SA (Salinity A), Class SB,
Class SC at Class SD.
Base sa resulta ng isinagawang pagsusuri,
klasipikadong Class SC ang look ng Pilar, na nangangahulugang ito ay maaaring
gamitin sa pamamangka, commercial fishing at ang mga kabakawanan dito ay
maaaring gawing fish and wildlife sanctuaries. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment