Thursday, January 20, 2011

11 VOLCANIC QUAKES NAITALA NG PHIVOLCS SA MT. BULUSAN; ABNORMALIDAD NG BULKANG BULUSAN MULING NARAMDAMAN


Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (January 19) – Sa nakalipas na 24-oras, muling nakapagtala ang Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng labing-isang mga pagyanig sa palibot ng Mt. Bulusan kung kaya’t patuloy itong nagbabala sa mga residente sa paligid ng bulkan na maging alerto at maging handa sakaling kailanganin ng mga ito na lumikas.

Kahapon bandang 2:58 ng madaling araw, matapos ang ilang linggong pamamahinga, ay muli na namang nagpakita ng abnormalidad ang Bulkang Bulusan matapos itong magbuga ng abo.

Ayon sa mga residente ng Brgy. Mombon, Irosin, nitong nakaraang Lunes ay una na silang nakadama ng bahagyang pagyanig at kahapon nga ay nakarinig naman sila ng malalakas na dagundong kasabay ng muling pagbuga nito ng abo.

”Mabuti na lamang at umuulan kung kaya’t hindi kami gaanong n aperwisyo,” ayon pa sa mga residente

Ayon naman sa Phivolcs hindi nila umano naobserbahang mabuti ang pagbuga ng abo dahilan sa natakpan ito ng makakapal na ulap.

Matatandaang maliban sa Sorsogon, ay inalerto din ng Phivolcs ang mga lalawigan ng Batangas at Albay matapos na makakita ng ilang mga abnormalidad sa mga Bulkan ng Taal at Mayon. May ilang rock fall event, pagbuga ng singaw at mahihinang pagyanig ding naitala ang mga resident  volcanologists sa paligid ng tatlong mga bulkang ito.

Sa ngayon ay nananatili sa alert level one status ang tatlong bulkan dahil sa pagpapakita ng ilang indikasyon bagamat malayo pa sa sitwasyon na maari itong sumabog anumang oras. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: