Thursday, January 20, 2011

WALONG KASO NG KRIMINALIDAD NAITALA NG PNP SORSOGON SA LOOB NG DALAWANG LINGGO


Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (January 19) –  Sa nakalipas na dalawang linggo simula pumasok ang taong 2011, walong kaso ng kriminalidad ang naitala dito sa lalawigan ng Sorsogon.

Sa press release na ipinalabas ng Philippine National Police Sorsogon Provincial Office, walong kaso ng kriminalidad na kinabibilangan ng apat na robbery hold-up, isang shooting incident, isang hacking incident, isang kaso ng pananaksak at isang assault case of agent upon person in authority ang   naitatala na mula January 2 hanggang January 18.

Maliban dito, nakapagtala din ng tatlong vehicular accidents kung saan dalawa nito ay naganap sa bayan ng Castilla at isa sa lungsod ng Sorsogon.

Ilan sa mga kasong ito ay kunsideradong solved case na tulad ng robbery hold-up na naganap sa Philippine National Bank (PNB) noong linggo.

Samantala, mula January 2-16 pa rin, anim na mga suspek na karamihan ay pamamaslang ang kaso ang naaresto na ng mga awtoridad.

“Naaresto ang mga ito dahilan na rin sa pakikipagtulungan sa amin ng komunidad kung kaya’t malaki ang pasasalamat namin sa kanila,” ayon kay PSI Honesto Garon, Information Officer, Provincial Police Community Relations Office.

Tiniyak naman ni Garon sa publiko na patuloy na aaksyon ang mga kapulisan upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan ng Sorsogon.

Kaugnay nito, muli siyang nanawagan sa publiko na patuloy na makiisa at suportahan ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad. (Lucky Pura & Renee Rose Teodoro, PIA Sorsogon)

No comments: