Thursday, September 29, 2011

Inisyal na ulat sa pinsala sa agrikultura ng bagyong Pedring sa Sorsogon inilabas na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 29 (PIA) – Kahit pa nga hindi gaanong binayo ng bagyong Pedring ang lalawigan ng Sorsogon, patuloy pa rin ang ginagawang pag-iikot at pagtatasa ng mga kinauukulan dito hanggang sa ngayon upang matiyak ang pinsalang dinala ng bagyo sa Sorsogon noong nakaraang Lunes.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRMO) sa PIA, ang mga bayan ng Juban at Casiguran ang nakapagsumite na ng kanilang damage report sa agrikultura.

Sa bayan ng Casiguran, 88 mga magsasaka ang naapektuhan at umabot din sa mahigit isangdaang ektarya ang napinsalang mga pananim na karamihan ay malapit nang anihin.

Habang 374 na mga magsasaka naman ang naapektuhan sa bayan ng Juban. Umabot din sa mahigit apat na raang ektaryang sakahan ang naapektuhan at karamihan sa mga napinsalang pananim ay nasa panahong namumulaklak, namumunga at mas marami ang malapit nang anihin.

Sa kabuuan, aabot sa kulang-kulang na tatlong milyon ang pinsalang dinala ng bagyong Pedring sa mga bayan ng Juban at Casiguran.

Ayon sa pamunuan ng Provincial Agriculture Office, inaasahan nilang maisusumite na sa kanila ng iba pang mga munisipalidad ang kani-kanilang mga agri-damage report sa pagtatapos ng linggong ito. (PIA Sorsogon)




No comments: