Thursday, September 29, 2011

Tatlong festival sa Sorsogon ipagdiriwang sa buwan ng Oktubre


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 29 (PIA) – Tatlong lokal na pamahalaan ang abalang-abala na ngayon dito sa Sorsogon para sa pag-arangkada ng malalaking aktibidad dito sa susunod na buwan.

Maliban sa dati nang pamoso at inaabangang Kasanggyahan Festival, ang kalipunan ng mga festival ng lalawigan ng Sorsogon, nakaiskedyul din ang Parau Festival ng bayan Pilar at Unod Festival ng Castilla, Sorsogon.

Mauunang buksan ang Unod Festival bukas ng hapon, Setyembre 30, sa pamamagitan ng banal na misa at Opening Program. Susundan ito ng isang press conference upang ipakilala ang konsepto at kahalagahan ng Unod Festival at iprisinta ang mga aktibidad na magaganap kaugnay ng pagdiriwang na ito. Ilan pa sa aabangang aktibidad bukas sa Castilla ay ang motorcade at Coronation Night ng Mutya ng Castilla.

Tampok sa Unod Festival ang mga natatanging yaman ng Castilla pagdating sa mga produktong agrikultural partikular ang mga halamang-ugat tulad ng kamote, kamoteng-kahoy at iba pang mga kahalintulad na produkto.

Magaganap naman sa Sabado, Oktubre. 1, ang isang Grand Opening Parade, ala-una ng hapon sa kahabaan ng lansangan ng lungsod ng Sorsogon na susundan ng isang seremonya alas-singko ng hapon para sa pagbubukas ng Kasanggayahan Festival. Sa gabi ay magkakaroon ng fireworks display na gagawin sa Balogo Complex, Sorsogon City.

Inaasahan ang pagdating ni Senator Francis Escudero, ng dalawang kongresista ng Sorsogon at ni Department of Tourism Bicol Regional Director Maria Ravanilla upang magbigay mensahe at suporta sa gagawing pagbubukas ng festival ng lalawigan.

Samantala, ipagdiriwang din ng bayan ng Pilar ang kanilang Parau Festival na nakatakda ring magsimula sa Sabado, Oktubre 1, na magtatagal hanggang sa ika-12 ng Oktubre sa araw ng kapistahan ng kanilang patron, ang Our Lady of Pillar.

Nakatuon ang pagdiriwang ng Parau Festival sa kultura at tradisyon ng Pilar. Ang Parau ay isang terminolohiyang Bisaya para sa sampu hanggang labing-anim na metrong haba ng bangka na ginamit ng mga mangingisda sa bayan ng Pilar partikular noong kapanahunan ng mga Espanyol dito sa bansa.

Ilan sa mga aktibidad na gaganapin sa Pilar ngayong Sabado ay ang Eco-Walk, Gipaw sa Pag-Omaw at Gabi ng Kulturang Parau. Ilang mga patimpalak din ang nakalinya sa loob ng labing-dalawang araw na pagdiriwang. (PIA Sorsogon)

No comments: