Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 30 (PIA) – Pormal nang isasagawa ang pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2011, bukas, araw ng Sabado, Oktubre 1, dito sa lalawigan ng Sorsogon.
May temang “Going Beyond: Public-Private Partnership (PPP) Towards Sustainable Development, isasagawa ang grand opening ceremonies ala-una ng hapon.
Sa programang ipinalabas ng Sorsoganon Kita, Inc., ang punong-abala sa ika-117 anibersaryo ng pagkakatatag ng Sorsogon bilang isang lalawigan, sisimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang parada mula sa Capitol Park patungo sa Balogo Sports Complex, Sorsogon City.
Susundan kaagad ito ng ribbon cutting at pagbasbas sa lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad, public walk at banner raising.
Matapos ang ecumenical prayer ay susundan ito ng opening remarks ni Msgr. Francisco Monje, chairman ng Kasanggayahan Foundation, Inc.
Inaasahang magbibigay naman ng mensahe sina Sorsogon 1st District Congressman Salvador H. Escudero III, Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr., Sorsogon Gov. Raul R. Lee, Department of Tourism Bicol Regional Director Maria O. Ravanilla at Sorsogon City Mayor Leovic R. Dioneda, Guest of Honor naman si Senator Francis “Chiz” Escudero.
Susundan ito ng paggawad ng plake ng pasasalamat sa guest of honor, deklarasyon ng pormal na pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2011 at pagpapakita sa publiko ng Kasanggayahan Festival 2011 billboard.
Inaabangan na rin sa gabi ang engrandeng fireworks display na gaganapin pa rin sa Balogo Sports Complex.
Ang Kasanggayahan Festival ang official festival ng Sorsogon at nagsisilbing kalipunan ng lahat ng mga festival sa labing-apat na munisipalidad at isang lungsod ng lalawigan na tumatampok sa kasaysayan, kultura at kabuhayan ng mga Sorsoganon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment