Friday, September 30, 2011

Tatlong bayan sa Sorsogon benepisyaryo ng KALAHI-CIDDS sa taong 2012


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 30 (PIA) – Tatlo sa mga bayan ng Sorsogon ang bagong napabilang sa programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Services (KALAHI-CIDDS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office sa susunod na taon.

Kabilang sa mga mabebenipisyuhan ng programa sa 2012 ay ang mga bayan ng Prieto Diaz, Gubat at Irosin habang ibabalik namang muli ang programa sa bayan ng Donsol.

Ayon kay KALAHI-CIDDS Regional Project Coordinator Arwin O. Razo, bahagi ito ng Millennium Chellenge kung saan magbibigay ng pondo sa bansa ang Estados Unidos para sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at DSWD.

P450,000 ang ilalaan sa bawat munisipalidad na paghahati-hatiin sa mga barangay na nasasakupan nito habang 30 porsyento naman ng kabuuang halaga ang magiging tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan.

Ang mga barangay diumano ang pipili ng proyekto o serbisyo ayon sa pangangailangan nito sa loob ng tatlong taon.

Samantala, binigyang-diin ni Provincial Social Welfare and Development (PSWD) Officer Sonia Mirasol na ang pagtutulungan ng mga sangkot na ahensya at benepisyaryo at tamang pagpapaintindi ng programa ang susi sa matagumpay na implementasyon nito.

Sinabi ni Mirasol na dati nang ginagawa ang pagpapatupad ng KALAHI-CIDDS progam sa bayan ng Donsol, subalit dahilan sa ilang mga kadahilanan ay pansamantalang natigil ito.

Sa ngayon, sa pagtutulungan umano ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mga Local Government Units (LGUs), aminado si Mirasol na higit na magiging maaayos ang pagpapatupad ng programa lalo na sa mga piling benepisyaryo nito.

Aniya, 70 porsyento ng pondo ay manggagaling sa DSWD habang 20 porsyento naman ang magiging ambag ng LGU at 10 porsyento naman mula sa barangay.

Hiningi naman ni Mirasol ang kooperasyon ng mga local media sa pagpapaabot ng kaukulang impormasyon ukol sa programang ito sa publiko partikular sa mga Sorsoganong manginginabang sa tulong na ibibigay ng KALAHI-CIDDS. (PIA Sorsogon)

No comments: