Friday, October 28, 2011

BFP Sorsogon may bagong provincial at city fire marshall


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 28 (PIA) – Matapos ang naging balasahan ng mga destino ng opisyal ng Bureau of Fire Protection, ang BFP Sorsogon Provincial Office at BFP City Fire Station na dating pinamunuan ni Chief Inspector Damian Jalmasco Rejano ay may bago nang Fire Marshall sa katauhan ni Chief Inspector Achilles M. Santiago.

Si Santiago ay opisyal nang nanungkulan noong Oktubre 21, 2011 bilang Sorsogon Provincial at con-curent City Fire Marshall habang nalipat naman ng destino si Rejano bilang bagong Fire Marshall na ngayon sa Naga City.

Sinabi ni Santiago na sa ilalim ng kanyang panunungkulan, mahigpit niyang ipatutupad ang Republic Act 9514 o mas kilala bilang Fire Code of the Philippines.

Aniya ang pangunahing mandato ng BFP ay tiyakin ang kaligtasan ng publiko kung kayat hinihikayat nila ang lahat na aktibong makilahok at maging tagapagsulong ng kaligtasan laban sa sunog partikular na ang kahandaan laban sa sakuna ay responsibilidad ng bawat isa.

Dagdag pa niya na ang pagpapatupad ng Fire Code of the Philippines ay kinukunsiderang mekanismo sa pagsusulong ng ekonomiya ng lungsod at ng lalawigan ng Sorsogon.

Sinabi din niya na higit nang ginawang moderno, sistematiko at teknikal ang mandato ngayon ng BFP, malayong-malayo na umano sa nakagawiang tradisyunal na sistema.

Ipinaliwanag din ni Santiago ang mga pangunahing responsibilidad at gawain ng BFP tulad ng Fire Prevention, Fire Suppression, Fire Investigation at Emergency Medical and Rescue Services. “Kapag hindi naipatupad nang maayos ang Fire Prevention, magdudulot umano ito nang mas malaking responsibilidad sa bahagi ng Fire Suppression. (PIA Sorsogon)





No comments: