Friday, October 28, 2011

Paghahanda sa Undas plantsado na


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 28 (PIA) – Inihayag ni Bureau of Fire Protection (BFP) Provincial Fire Marshall at siya ring tumatayong City Fire Marshall Chief Inspector Achilles Santiago na sinimulan na ng BFP Sorsogon ang paghahanda kaugnay ng nalalapit na selebrasyon ng Undas. Nakatakda umano silang magkaroon ng pagpupulong ngayong araw upang plantsahin ang mga ipatutupad nilang routinary work kaugnay ng kanilang “Oplan Kaluluwa” mula Nobyembre a-uno hanggang a-dos ngayong taon.

Ayon pa kay Santiago, naibigay na rin nila ang ‘schedule of deployment’ sa kanilang mga sub-fire station upang matiyak na may mga tao silang nakatalaga partikular sa malalaking sementeryo sa lungsod tulad ng Sorsogon Catholic Cemetery sa Brgy. Sampaloc, Sorsogon Memorial Garden sa Bibincahan at Bacon Catholic Cemetery sa Bacon District, Sorsogon City.

Maging ang kanilang mga office personnel ay may mga nakatalaga ding lugar kung saan sila ididestino.

Nakatakda ring maglagay ng Emergency Medical Service Team malapit sa mga malalaking sementeryong ito sa pakikipagtulungan din sa iba pang mga ahensya at organisasyon tulad ng Philippine National Police, Health Office, Philippine Red Cross at iba pa.

Samantala, nagpaalala naman si Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia sa publiko na sundin ang ipinatutupad na patakaran ng mga awtoridad dito upang maiwasan ang mga insidenteng makakaperwisyo sa buhay at kalusugan. Dapat din umanong tiyaking malinis at maayos ang pagkakaluto ng mga pagkaing bibilhin lalo na sa mga kalye, mas mainam umanong personal na ihanda ang mga babauning pagkain sa sementeryo.

Sa bahagi naman ng mga kapulisan, sinabi ni PNP Sorsogon provincial director PSSupt John Cornelius Jambora na simula pa noong unang araw ng Oktubre kung saan sinimulan ang Kasanggayahan Festival 2011 ay nasa full alert status na sila at higit pa umano nilang pinaigting ito bilang paghahanda sa All Saints at All Souls Day. Sinabi din niyang nagdagdag din sila ng mga tauhang titiyak sa pagmamantini ng kapayapaan at kaayusan sa mga sementeryo.

Maging ang Coast Guard Sorsogon ay alerto na rin sa pagdagsa simula pa kahapon ng mga pasahero partikular sa mga pantalan ng Bulan, Pilar at Matnog. Inaasahang dadami pa ang mga pasaherong uuwi upang samantalahain ang mahabang araw na bakasyon. (PIA Sorsogon)


No comments: