Tuesday, October 25, 2011

Lino Brocka bibigyang pugay sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2011


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 25 (PIA) – Bibigyang pugay ngayong araw dito sa lungsod ng Sorsogon ang batikang director ng pelikulang Pilipino na si Lino Brocka sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kanyang mga natatanging pelikula na tinaguriang “Lino Brocka’s Film Festival”.

Sinabi ni John Joseph Perez ng Sorsogon Arts Council na itinaon din nila sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2011 ang pagpapalabas ng mga pelikulang gawa ni Brocka nang sa gayon ay mas maging makabuluhan ito at panonoorin hindi lamang ng mga taga-Sorsogon kundi maging ng mga bibisita dito.

Tampok ngayong hapon ang pelikulang Orapronubis na ipapalabas alas-dos sa Intervida Hall sa Sorsogon Provincial Museum, Sorsogon City. Kasabay din sa mga pelikulang ipapalabas ang Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag, Bayan Ko, Kapit sa Patalim at ang Ina, Kapatid, Anak.

Si Catalino Ortiz Brocka, na mas nakilala bilang Lino Brocka, ay ipinanganak sa Pilar, Sorsogon noong Abril 7, 1939, at supling nina Regino Brocka at Pilar Ortiz. Si Lino Brocka ay isa sa mga pinakamahusay na direktor sa Pilipinas na pinarangalan at kinilala, maging sa ibang bansa.

Tinalakay niya sa kanyang mga pelikula ang mga paksa na pilit iniiwasan sa lipunan. Ipinamalas niya rin ang pagiging diretso sa kanyang mga ideya at opinyon na malinaw ring matutunghayan sa kanyang mga pelikula. Kung kaya't hanggang ngayon ay patuloy na pinapanood at hinahangaan ng mga tao mula sa iba't ibang henerasyon dahil na rin sa mga sitwasyon at ideyang tumutugma sa kahit anong panahon dito sa bansa. (http://tl.wikipedia.org/PIA Sorsogon)

No comments: