Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 24 (PIA) – Nagsimula nang mamahagi noong Martes, Oktubre 18, ng maagang regalo ang mga ahensyang nagmamalasakit sa kapakanan ng mga bata tulad ng Sorsogon City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at lokal na pamahalaan ng lungsod sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) Angel Tree Project.
Ayon kay City SWD Officer Me Esta apatnapung mga bata na karamihan ay mga batang manggagawa at batang lansangan ang nabigyan ng mga regalo tulad ng pagkain, gamit, personal hygiene kit at iba.
Layunin nitong mabigyan ng kasiyahan ang mga bata at matulungang maranasan ang makatanggap ng regalo mula sa mga nagmamahal sa kanila, kamag-anak man nila o hindi, at maranasan din ng mga bata na magkaroon ng dignidad upang sa kalaunan ay mapigilan ang child labor sa bansa.
Ayon naman kay DOLE Sorsogon Imelda Romanillos, magpapatuloy pa ang kanilang pamamahagi ng mga regalo lalo na sa mga batang sa murang edad pa lamang ay pinagtatrabaho na. Nakaiskedyul ang pamamahagi sa ilan pang mga lugar sa lalawigan lalo na sa may malalaking pantalan tulad ng Matnog na gagawin sa Oktubre 26, Bulan sa Oktubre 27, habang nakatakda naman sa Oktubre 28 ang pamamahagi sa Pilar.
Dagdag pa niyang nasa isangdaan dalawampung mga batang manggagawa mula sa tatlong munisipalidad at isang lungsod ng Sorsogon ang tinarget nilang mabiyayaan ng nasabing proyekto.
Sinabi ni Romanillos na sa kabila ng mababang bilang ng kaso ng child labor sa Sorsogon, hindi sila dapat na makampante kundi dapat pa umanong paigtingin ng magkakatuwang na institusyon ang kampanya laban sa child labor upang tuluyan nang masugpo ito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment