Monday, October 24, 2011

Livelihood program ng DepEd Sorsogon City para sa special children, tinututukan


Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 24 (PIA) – Dahilan sa mahusay na pagganap ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa lungsod ng Sorsogon, agarang tinugon ng DepEd central office ang malaon ng hiling ng mga ito na mapaglaanan sila ng pondo taon-taon para sa Livelihood Training ng mga special children.

Ayon sa isang guro ng Special Education dito sa lungsod, nais nyang matulungan ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan upang pagdating ng kanilang pagtatapos sa pag-aaral ay maari na nilang gamitin ang kanilang natutunan sa elementarya at gamitin ito sa pagpapaunlad ng kanilang mga buhay.

Ang naturang guro, lingid man sa kaalaman ng mga lokal na opisyal ng DepEd ay tahimik na gumawa ng request sa DepEd central office at nagbakasakaling humingi ng tulong dito upang maitaas ang antas ng kaalaman ng mga bata hindi lamang sa mga teyoryang makukuha sa mga libro kundi maging sa kaalaman sa paggawa sa tulong ng mga makabagong kagamitan tulad ng makina sa pananahi,makina sa paglikha ng mga aparador, muwebles at mga kagamitan sa pagluluto.

Matatandaang noong ikalawang semestre ng taong 2009, sa unang pagkakataon ay nakatanggap ng alokasyon ang special education program ng Sorsogon East Central School na direktang inilagak sa Division Office. Maging ang Sorsogon National High School ay nakatanggap din ng malaking pondo kung kaya’t agad na nabili ang mga kagamitang pangkabuhayan na kinakailangan ng mga mag-aaral ng dalawang paaralan. Taon-taon ay naglalaan na rin ang DepEd ng kaukulang pondo para sa Special Education (SPED) program.

Maging ang mga magulang ng mga bata ay masayang-masaya sapagkat sila mismo ay nadama ang pagkalinga at pagbibigay atensyon ng pamahalaan sa mga batang may espesyal na pangangailangan. Halos lahat na umano ng mga kagamitan sa loob ng silid aralan ng SPED ay mismong ang mga mag-aaral na ang nagkumpuni at gumawa.

Ayon sa mga guro ng SPED, may kapansanan man ang mga mag-aaral sa pandinig, paningin at mentalidad ay makikita pa rin ang kanilang pagsisikap na matuto sa lahat ng mga gawain at gawing normal ang kanilang pamumuhay. Hindi rin umano nagpapahuli ang mga ito sa mga paligsahan kung saan malimit silang iniimbita at pinasasali sa mga dance interpretation at art exhibit at iba pang mga aktibidad na nagpapakita ng kanilang mga natatanging talento at kakayahan sa Legazpi at Naga. (PIA Sorsogon)

No comments: