Monday, October 31, 2011

Sementeryo dinadagsa na, mga awtoridad nakaalerto


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 31 (PIA) – Nagsimula nang dumagsa ngayon ang mga tao patungong sementeryo upang bisitahin ang puntod ng mga mahal nila sa buhay kaugnay ng pagdiriwang ng Undas.

Ayon sa ilan, mas mainam na umanong makadalaw nang mas maaga sa puntod ng mga yumao nilang kamag-anak upang hindi na sila mapabilang sa mga magsisiksikan pa bukas. May ilan namang sinamantala na ang pagbisita habang maganda ang lagay ng panahon lalo’t diumano’y napaka “upredictable” na nito ngayon.

Kung gaano naman katumal pa sa ngayon ang bilihan ng mga bulaklak, kabaligtaran naman ang dalas ng mga bumibili ng kandila. Ayon sa ilan, mas praktikal para sa kanila ang pagsisindi na lamang ng kandila at huwag nang bumili pa ng bulaklak.

Samantala, nasa white code alert naman ang Provincial Hospital at mga district hospital dito sa Sorsogon ngayong Undas. Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, naglagay sila ng mga karagdagang tauhan sa kanilang shifting upang ,mabigyan ng atensyon ang  pangangailangan ng publiko sa panahong tulad nito. Aktibo din umano ang mga district hospitals at mayroong mga health personnel din umano silang nakadestino sa mga emergency medical assistance kiosk na inilagay malapit sa mga malalaking sementeryo.

Maliban sa Emergency Medical Service Team na inilagay malapit sa mga malalaking sementeryo sa lungsod, may operation center ding inilagay ang Kabalikat Civicom sa Pepita Park sa Brgy. Bucalbucalan, Sorsogon City sa pakikipagtulungan sa Philippine Army, Philippine National Police, Department of Public Works and Highway at Philippine Red Cross sa ilalim ng ‘Oplan Kaluluwa Motorists Assistance’ upang sagutin naman ang mga magiging pangangailangan ng mga motorista.

Hinikayat naman ni Bureau of Fire Protection Provincial Fire Marshall Chief Inspector Achilles Santiago ang publiko na aktibong makiisa tungo sa isang “fire-free zone” province ngayong Undas. Aniya, nasa sementeryo man o sa bahay ay dapat na tiyakin ang ibayong pag-iingat laban sa anumang maaaring pagmulan ng sunog. Partikular niyang pinaalalahanan yaong sa bahay na lamang magsisindi ng kandila na tiyaking malayo ito sa mga kurtina o anumang bagay na madaling makapitan ng apoy. Tiniyak din nito na ang BFP ay palaging alerto at maingat na pagsisilbihan ang mga mamayan upang siguraduhing ligtas ang kanilang buhay at ari-arian saan man at kailan man. (PIA Sorsogon)

No comments: