Wednesday, November 2, 2011

‘Deaf Awareness Week’ gaganapin sa Nobyembre 6-12


Ni: Francisco B. Tumalad Jr.

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 2 (PIA) – Inatasan ni Department of Education (DepEd) Sorsogon City Schools Division Superintendent Virgilio Real ang mga superbisor na lumahok at pagrekomendahin ang mga guro sa Special Education (SPED) center ng lungsod na magpadala ng mga piling hearing impaired students o hindi nakakarinig na mga mag-aaral upang sumali sa gaganaping selebrasyon ng Deaf Awareness Week.

Ang atas ay ayon na rin sa bisa ng Memorandum Order na ipinadala ni DepEd OIC regional director Orfelina Tuy ng Regional Office No.5 sa tanggapan ni Dr. Real kung saan hinihikayat niyang aktibong lumahok sa Deaf Awareness Week celebration ang mga batang may espesyal na pangangailangan na gaganapin sa Naga City simula Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 12 ngayong taon.

Aabot sa labingtatlong mga mag-aaral na may kapansanan sa pandinig at tatlong SPED teachers at dalawang SPED supervisor ang ipapadala bilang delegasyon ng Sorsogon City.

Ayon kay Director Tuy, kasamang lalahukan ng Bicol Deaf Adults and Youth Organization ang ikalawang taong obserbasyong ito at magkakaroon din umano ng kompetisyon sa iba’t-ibang mga kategoryang binuo.

Kabilang sa mga aktibidad na gagawin ay ang Fun Run, banal na misa, opening program at paglalatag ng mga produktong gawa ng mga special children upang makita ng publiko sa loob ng isang linggo.

Magkakaroon din ng Cheerdance competition at makikipagtalastasan ang mga partisipante sa mga hurado hinggil sa buhay ng isang taong may kapansanan sa pandinig, dalawang araw na "Basic Photography Seminar", Self-Defense Skills Taining, dalawang araw na Gender Awareness Rights and Legal Access seminar kasabay ang Basic Sign Language Training para sa mga mag-aaral na hearing impaired at Bicol deaf adults and youth.

Magkakaroon din ng pagalingan ng sayaw sa ikaanim na araw habang gaganapin naman ang pamamahagi ng award at pagtatapos ng aktibidad sa Nobyembre 12.

Ang Deaf Awareness Week ngayong taon ay may temang “Educate, Enrich, Empower”. (BARecebido/PIA Sorsogon)

No comments: