Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 3 (PIA) – Dala ng patuloy na pag-uulan halos ay tatlong araw na ngayon, isang minor landslide ang naitala sa may Ariman-Bulusan Lake Junction sa Brgy. San Rafael, Bulusan, Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon Provincial Action Officer Manro Jayco, sa ulat na ipinaabot sa kanila mula sa Bulusan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, naganap ang landslide bago dumilim kahapon. Subalit tiniyak din ng mga awtoridad sa Bulusan na agad namang rumisponde ang mga kinauukulan kung kaya’t kagabi pa ay maaari nang daanan ang lugar na naapektuhan ng nasabing pagguho ng lupa.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang nila umano ang progress report na isusumite ng Bulusan MDRRMC kung may mga nasaktan o naapektuhan sanhi ng naganap na landslide. Ilang mga tauhan na rin ng Provincial DRRMC ang pumunta na kanina sa lugar upang magsagawa ng kaukulang inspeksyon.
Sinabi din ni Jayco na sa kasalukuyan ay wala na silang naitala pang kahalintulad na insidente at wala ring naitalang mga nagsilikas, subalit nananatiling nasa ilalaim ng kanilang masusing pagsubaybay ang mga landslide at flood-prone areas dito sa Sorsogon na kinabibilangan ng mga bayan ng Bulan, Bulusan, Magallanes, Juban, Pilar at Donsol.
Binigyang abiso na rin nila umano ang kanilang mga local DRRMC sa mga lugar na nabanggit lalo pa’t patuloy pa rin ang pag-uulan hanggang sa ngayon.
Nanawagan din siya sa mga Sorsoganon lalo na sa mga naninirahan malapit sa mga paanan ng kabundukan at malalapit sa mga ilog at dagat na sa panahong tulad nito ay maging alerto at handa sa anumang mga pangyayaring hindi inaasahan. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment