Thursday, November 3, 2011

Scuba Surero ng Bulan MPS aktibo sa pagmamantini ng kalinisan sa mga karagatan


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 3 (PIA) – Ipinagmamalaki ng Bulan Municipal Police Station ang pagiging aktibo ng kanilang mga kapulisan partikular ang tinatawag nilang mga Scuba Surero sa pagmamantini ng kalinisan sa mga karagatan at pagtugon sa suliranin laban sa climate change.

Sinabi ni Bulan Municipal Community Relations Officer SPO2 Edgar Calupit na regular at matagal na nilang ginagawa ang paglilinis sa mga karagatan upang mamantini ang kalinisan hindi lamang sa ibabaw ng dagat kundi maging sa ilalim nito.

Isa umano ito sa naisip nilang paraan upang maipakita ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa natural na yaman ng bansa tulad ng mga katubigan at karagatan na nagbibigay ng buhay lalo na sa mga mangingisda at mga nanginginabang dito.

Ayon kay Calupit, katuwang nila sa pagpapatupad nito ang mga student volunteers at mga kasapi ng iba’t-ibang mga brotherhood organizations na handing makiisa para sa kalinisan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Aniya naiiba ito sa mga kadalasang coastal clean-up na ginagawa ng iba’t-ibang mga grupo kung saan limitado lamang ito sa paglilinis sa mga baybayin subalit ang kanilang scuba surero ay hindi lamang sa mga baybayin naglilinis kundi maging sa gitna at ilalim ng mga karagatan.

Ipinaliwanag din niya ang konsepto ng scuba surero kung saan binubuo ito ng mga kapulisan at iba pang mga indibidwal o grupong may kahalintulad na adhikain na linisin ang mga karagatan at paligid nito. May mga maninisid din sila na naglilinis sa mga duming nakakalat sa ilalim ng dagat na siyang nagbibigay ng kaibahan kumpara sa mga ordinaryong nagsasagawa ng coastal clean-up.

Buo ang paniniwala ni Calupit na sa pamamagitan nito, hindi lamang ang mga kostal na lugar ang kanilang malilinisan kundi maging ang pusod ng karagatan upang hindi maapektuhan ang mga isda at iba pang lamang-dagat na nakukuha mula dito.

Binigyang-diin din niya na pinag-aaralan na rin ang pagpapatupad nito hindi lamang sa bayan ng Bulan kundi sa buong lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)

No comments: