Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 2 (PIA) – Matagumpay sa kabuuan ang naging kampanya ng mga awtoridad ukol sa iwas paputok o ang kampanyang “Aksyon: Paputok Injury Reduction” sa lalawigan ng Sorsogon.
Ito ay matapos na makapagtala ng zero casualty ang lalawigan kaugnay ng paggamit ng mga paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Naging kapansin-pansin din ang limitadong bilang ng mga taong nagpaputok at makikita ding nakuntento na ang Sorsoganon na manood na lamang sa mga community fireworks display na pinangunahan ng mga local government unit (LGU) sa kani-kanilang mga lugar.
Taliwas naman sa naging karanasan noong araw ng pasko kung saan naging mahangin at maulan, naging maganda ang lagay ng panahon mula noong huling araw ng 2011 hanggang sa kasalukuyan kung kaya’t mas naging kampante at masaya ang pagdiriwang ng bagong taon ng mga residente.
Sa mga ipinaabot namang ulat ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan, nagkakaisa ang mga ito sa kanilang pagtatasa na naging matiwasay ang ginawang pagsalubong ng mga taga-Sorsogon ng Bagong Taon.
Maging ang Bureau of Fire Protection ay wala ding naiulat na mga insidente ng sunog sa buong lalawigan sa nakalipas na selebrasyon.
Nagpasalamat naman sa mga Sorsoganon ang pamunuan ng Philippine National Police dito sa pakikiisa nito sa kanilang kampanya na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng pagdiriwang ng Bagong Taon dahilan upang wala silang maitalang mga malalaking krimen kaugnay ng selebrasyon.
Subalit hindi naman ikinaila ni Sorsogon City Police Chief PSupt Edgardo Ardales ang kanyang pagkalungkot na sa kabila ng kanilang pinaigting na kampanya ay may isang kaso silang naitala na nabiktima ng ligaw na bala sa Brgy. Gimaloto, West District, Sorsogon City kaugnay ng pagsalubong ng Bagong Taon.
Matatandaang una nang itinaas ng PNP ang full alert status at bago pa man dumating ang selebrasyon ng pasko ay tiniyak na rin nilang nasilyuhan na nila ang mga baril ng mga kapulisan upang maiwasan ang ganitong mga pangyayaring maaaring magsangkot sa kanilang hanay at nagtalaga rin sila ng mga dagdag na tauhan upang matiyak ang seguridad ng komunidad sa buong lalawigan.
Sa ngayon ay nananatili pa ring blangko ang PNP kung sino ang responsable sa pagpapaputok ng baril subalit tiniyak ng Sorsogon City Police na patuloy nilang iimbestigahan ito upang papanagutin ang sinumang lumabag sa batas.
Samantala, nanawagan naman ang simbahang katoliko sa pamamagitan ni Sorsogon Bishop Arturo M. Bastes sa mga mananampalataya na higit na maging malapit sa Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga nararanasang pagsubok.
Sinabi din ng Obispo sa kanyang mensahe sa isinagawang New Year’s eve mass alas onse ng gabi noong huling araw ng Disyembre 2011 na salubungin ang taong 2012 na puno ng pagmamahalan at pagkakaisa sapagkat ito umano ang magsisilbing buklod upang makamit ang kapayapaan sa puso ng bawat isa. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment