Friday, January 6, 2012

Turismo prayoridad ngayon ng pamahalaang bayan ng Pto. Diaz


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 6 (PIA) – Pagsusulong ng turismo ang prayoridad ngayon ng pamahalaang lokal ng Prieto Diaz, Sorsogon dahilan sa mayamang potensyal pangturismo ng bayang ito.

Ayon kay Prieto Diaz Municipal Mayor Jocelyn Lelis na sa ilalim ng kanyang administrasyon nais niyang malinang at mapaganda pa ang mga lugar pangturismo sa kanyang bayan kung kaya’t hiniling nito sa pamahalaang probinsyal sa pamamagitan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee na mapaglaanan din ngkaukulang pondo ang mga imumungkahi niyang programang pangturismo doon.

Matatandaang nagkaroon na ng inisyal na pagbabaha-bahagi ng P350 milyong pondong inutang ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon upang isulong ang mga proyekto at programamng magdadala ng kaunlaran sa lalawigan.

Sinabi ni Lelis na positibo siyang mabibigyang-pansin ng provincial government ang kanilang bayan kahit pa nga kabilang ito sa 5th class municipality.

Partikular niyang pinangalanan ang Sabang Beach at Nagsurok Cave sa mga destinasyong pangturismo ng Pto. Diaz na nais niyang malinang at mapaganda pa nang sa gayon ay dayuhin ito ng mas marami pang mga turista.

Maliban sa dalawang lugar, isa din ang Pto. Diaz sa mga piling priority wetlands sa bansa at sanktwaryo ng halos ay 408 na uri ng mga dumadayong ibon mula sa iba’t-ibang mga bansa sa Asya. Partikular na dinadayo ng mga ibong ito ang mga barangay ng Sabang, Diamante, Rizal at Quidolog.

Dagdag pa niya na tiyak ding masisiyahan ang mga turista sa mga makikita nilang sea grasses at mangrove plantation sa nasabing bayan.

Ang bayan ng Prieto Diaz ay may 23 mga barangay kung saan ang ilang mga pangalan nito ay hango sa yamang-mineral tulad ng Diamante, Tupaz, Perlas at iba pa. (www.bicol.da.gov.ph /BAR, PIA Sorsogon)



No comments: