Wednesday, January 4, 2012

One-stop shop sa pagkuha ng business permit at lisensya magtatagal hanggang sa Enero 22


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 4 (PIA) – Nagpapatuloy ang panawagan ng pamahalaang panlungsod sa mga Sorsoganon na nais kumuha o i-renew ang kanilang mga permit at lisensya sa negosyo na tangkilikin ang one-stop shop ng city government upang mapadali ang pagpoproseso nito.

Tinaguriang Business Operators Service System (BOSS), sinabi ni Sorsogon City Mayor Leovic R. Dioneda na taunan nilang binubuksan ito sa mga taga-lungsod upang gawing sistematiko ang pagpoproseso sa mga inaaplay na permit at lisensya ng mga negosyante nang sa gayon ay hindi na mahirapan ang mga ito sa pagpaparoo’t-parito mula sa isang tanggapan patungo sa isa pang tanggapan upang mapunan ang mga kinakailangan nilang rekisitos.

Ilan sa mga tanggapang nakatalaga sa one-stop shop ang Bureau of Internal Revenue, Department of Trade and Industry, Bureau of Fire Protection, City Permit and Licensing, City Treasure’s Office at iba pa.

May libre din umanong kape para sa mga kliyente at may mga palabas ding mapapanood ukol sa iba’t-ibang mga programang ipinatutupad ng city government na mapapanood partikular ang tungkol sa tamang pamamahala ng mga basura, climate change adaptation at tamang paghahanda sa mga sakuna at kalamidad.

Nilinaw din nito na matapos ang dalawampung araw na one-stop shop program na ito ay papatawan na ng 25% penalty ang mga negosyanteng mahuhuli sa pag-aplay ng kanilang mga business permit at lisensya.

Bukas umano ang Business Operators Service System mula Lunes hanggang Sabado na magtatagal hanggang sa hatingggabi ng Enero 22. (PIA Sorsogon)





No comments: