Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 4 (PIA) – Inihayag ni Sorsogon City Police Chief PSupt Edgardo Ardales na inaayos na nila ngayon ang magkatuwang na pagpapatrulya ng mga barangay tanod at pulis upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa mga barangay sa buong lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Ardales, pangunahing nakaatang sa balikat ng mga opisyal at tanod sa barangay ang pagmantini sa seguridad at kaayusan ng kani-kanilang mga lugar at sa tuwina’y nakahanda ang hanay ng mga kapulisan na magbigay serbisyo at tiyaking ligtas ang buong komunidad laban sa mga masasamang elemento alinsunod na rin sa mandato nito.
Inihayag ni Ardales na kabilang sa kanyang mga plano at prayoridad ngayong 2012 ang pakikipagdayalogo sa mga opisyal ng barangay sa lungsod upang talakayin ang ilang mga hakbang upang maiwasan ang mga kriminalidad saan man sa lungsod.
Isa na umano dito ang pagpapailaw sa mga madidilim na lugar at pagtatalaga ng mga regular na magrorondang mga tanod katuwang ang mga kapulisan upang matiyak na mamamantini ang kaayusan ay kapayapaan sa mga barangay.
Nais din umano niyang malaman ang mga hirap ng tanod sa pagpapatrulya sa barangay lalo na’t napag-alaman din niya na may ilang mga barangay na wala talagang tumatayong mga barangay tanod.
Balak din niyang magkaroon ng kasunduan ang mga opisyal, tanod at pulis ukol sa sistema ng pagpapatrulya o pagroronda kung saan sa panahong nagpapatrulya ang mga pulis ay nagpapahinga naman ang mga tanod at sa panahon ng pagpapahinga ng mga itinalagang pulis sa barangay ay mayroon namang mga tanod na roronda kapalit nila.
Sinabi din ng opisyal na karamihan sa 84 na aktibong pulis at 20 rookie ng kanilang pwersa ay nakatalaga sa sub-station 1 at sub-station 2 sa kabisera ng lungsod kung kaya’t umapela din ito lalo sa mga business establishment na kumuha ng sarili nilang bantay sa kanilang mga establisimyento at huwag iasa nang lubusan sa mga pulis ang pagbabantay dahilan sa marami pa rin itong ibang mga obligasyong dapat gawin at talagang hindi makakayanang mabantayan nang isa-isa ang mga residente ng lungsod. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment