Tuesday, January 3, 2012

Pamahalaan prayoridad din ang kalusugan ng mga matatanda


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 3 (PIA) – Sa patuloy na pabago-bagong panahon, pag-uulan at malamig na klima hanggang sa kasalukuyan, nais makatiyak ng mga opisyal ng kalusugan sa Sorsogon na mapapangalagaan hindi lamang ang kalusugan ng mga bata kundi maging ng mga matatanda rin sa bawat komunidad.

Kaugnay nito, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon at ng Department of Health (DOH) nagsasagawa ngayon ang nasabing mga ahensya ng pagbabakuna sa matatandang residente upang maiiwas ito sa mga mas seryoso pang mga sakit lalo na’t sa tala ng Provincial Health Office ay mataas din ang bilang ng mga matatandang isinusugod sa ospital dahilan sa mga sakit na dala ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.

Ayon kay Assistant Provincial Health Office Dr. Liduvina Dorion, matatanda man ay may mga karapatan din itong dapat na mabigyang pansin hindi lamang ng pamahalaan kundi maging ng kanila ding mga kaanak. Ang mga senior citizen umano ay kabilang sa mga vulnerable group ng komunidad lalo yaong mga walang kakayahang maipagamot ang kanilang mga sarili dahilan na rin sa kahirapan.

Sinabi din ni Dorion na inabisuhan na rin niya ang lahat ng mga barangay health workers sa lalawigan na sabihan ang mga opisyal sa barangay partikular ang mga kapitan sa barangay na mayroon nang mga nakahandang flu vaccine o bakuna ang DOH para sa mahihirap na mga senior citizen.

Mas mainam umanong maagapan na sa lalong madaling panahon sa kabila ng edad ng mga ito at mapabakunahan ng flu vaccine nang sa gayon ay maging malakas ang resistensya nito laban sa mga sakit tulad ng trangkaso, sipon, ubo at pulmonya na kadalasang nararanasan ng mga lolo at lola. (PIA Sorsogon)

No comments: