Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 31 (PIA) – Dahilan sa maayos at natatanging pagpapatupad ng programa sa pamamahala at pagtatapon ng mga basura alinsunod sa mandato ng Republic Act 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000”, binigyang pagkilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamamagitan ng National Solid Waste Management Council (NSWMC) ang walong Local Government Unit (LGU) sa buong rehiyon ng Bikol.
Ang pagkilala ay iginawad kahapon, ika-30 ng Enero, sa Rawis, Lungsod ng Legazpi.
Ayon kay Environmental Management Bureau (EMB) Regional Director Eva Ocfemia, hinati sa dalawang kategorya ang pagkilala kung saan napili sa unang kategorya ang mga lungsod ng Naga at Sorsogon, Magarao sa Camarines Sur at ang bayan ng Pilar sa Sorsogon, habang sa pangalawang kategorya ay napili naman ang lungsod ng Legazpi at mga bayan ng Bulan, Irosin at Magallanes sa Sorsogon.
Ipinaliwanang ni Ocfemia na ang Category 1 ay ibinibigay sa may pinakaepektibong nagpatayo at nagpapatupad ng Materials Recovery Facility o MRF sa lahat na sakop na mga barangay o grupo ng mga barangay nito, habang ang Category 2 naman ay para sa mga mga lugar na may natatanging pamamaraan sa pagbabawas ng basura, paghihiwa-hiwalay nito o yaong tinatawag na “waste reduction and segregation, nagpatayo ng functional MRF at may maayos na pamamahala sa mga basurang hindi nabubulok.
Samantala, muli namang pinaalalahanan ni DENR Executive Director Joselin Marcus Fragada, ang mga lokal na pamahalaan sa buong rehiyon na hindi pa nagpapatupad ng tamang pamamahala sa basura na simulan na nito ang pagpapatupad sa lalong madaling panahon upang hindi na ito maharap sa anumang mga penalidad sakaling higpitan na ang pagpapatupad ng Republic Act 9003.
Matatandaang una nang nagbigay ng kaukulang palugit ang pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng DENR alinsunod na rin sa itinatakda ng batas, upang mabigyan ng sapat na panahong makapaghanda ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o ang RA 9003. (DENR News/Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment