Wednesday, February 1, 2012

Sangguniang Panlalawigan buo ang suporta sa ginagawang barangay CBDRMT


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 1 (PIA) – Inihayag ni Sorsogon Vice Governor Antonio Escudero na buo ang suporta ng Sangguniang Panlalawigan (SP) sa mga isinasagawang Community Based Disaster Risk Management Training (CBDRMT) ng Sorsogon Provincial Management Office (SPMO) sa mga munisipyo at barangay sa buong lalawigan ng Sorsogon.

Sa isinagawang committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan kamakailan, sinabi ni Escudero na ang naganap sa mga lalawigan ng Iligan at Cagayan de Oro ay maaaring maganap kahit saan sa bansa at nawa’y magsilbi umano itong hudyat para sa lalawigan ng Sorsogon na maihanda sa lahat ng pagkakataon ang mga rekurso, mga tao at istratehiya sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) na siya ngayong pinagtutuunan ng pansin ng konseho ng SP.

Ayon sa bise gobernador, dapat lamang na magkaroon ng magandang relasyon sa pagitan ng mga sangkot na ahensya habang bumabangon mula sa mga epektong dala ng mga kalamidad at makita rin ang kapasidad sa pondo ng bawat Local Government Unit (LGU) kasama na rin ang pagsuri sa kalantaran ng mga komunidad sa panganib ng mga pagbaha tulad na lamang umano ng Our Lady’s Village sa Pangpang, Sorsogon City.

Sinabi pa ni Escudero na dapat na maisulong ang mga natatangi at magagandang nagawa ng mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon. Dapat din umanong maging alerto at bukas ang LGU sa mga pumapasok na oportunidad mula sa iba’t-ibang mga funding agency at ang patuloy na pakikipagkawing sa mga organisasyon at paghanap ng pondo sa labas ng lalawigan ay malaking tulong din sa pagtugon sa kakulangan ng nakararaming LGU ng sapat na pondo.

Ayon naman kay Board Member Angel Escandor dapat na handa at nagagamit ang mga contingency plan at epektibong napapakinabangan ang Juban Synoptic (PAGASA) Weather Station.

Iminungkahi naman ni Board Member Neson Maraña na dapat na magkaroon ng hands-on sa mga rain gauges ang bawat LGU lalo na ngayong pabago-bago ang kondisyon ng pag-uulan at panahon.

Iminungkahi din ni Board Member Benito Doma ang pagtatayo ng isang “state-of-the art” multi-purpose evacuation center sa isang ligtas na lugar at pagkakaroon ng mobile water filter.

Samantala, inihayag naman ni SPDRMO Planning and Operations Division Officer Dante Bonos na handa na ang pinag-isang contingency plan na ginawa ng mga LGU matapos ang ginawang CBDRMT ng mga municipal at city action officer. Tiniyak din niyang ang lahat ng mga hakbang na ginagawa ngayon ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon ay naaayon sa mandato ng Republic Act 10121 na nakatuon sa kahandaan at pagbabawas ng epekto ng mga panganib na dala ng kalamidad. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: