Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 4 (PIA) – Nilinaw ni Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia na hindi cholera ang naging sanhi ng pagkamatay ng kumpirmadong labimpitong mga Sorsoganon kundi dehydration o kawalan ng tubig sa katawan at acute renal failure dahilan sa pagdanas ng mga ito ng diarrhea o pagtatae.
Sinabi din niyang maliban sa labimpitong bilang na ito ay may isa pa silang kaso ng pagkamatay na sa kasalukuyan ay benebiripika pa ng mga tauhan ng Provincial Health Office (PHO).
Subalit inamin din ni Dr. Garcia na tatlong lugar sa Sorsogon ang may nagpositibo sa cholera, ngunit naagapan ang mga ito kung kaya’t daglian ding nagamot at tuluyan nang nakalabas ng ospital.
Isa dito ay mula sa Lupi, Prieto Diaz, isa sa Anibong, Magallanes habang ang isa ay mula sa Mombon, Irosin, subalit ayon sa Irosin Municipal Health Officer ang pasyente ay nagtatrabaho sa Sorsogon City kung kaya’t masusi pa nilang pinag-aaralan kung saan talagang nakuha ng pasyente ang bakterya.
Ayon kay Garcia, mula Oktubre 2011 hanggang Enero 2012 ay mahigit na sa dalawangdaang pasyente mula sa iba’t-ibang mga lugar sa Sorsogon ang isinugod sa ospital sanhi ng pagtatae. Sa kanilang datos, walang naitalang namatay noong 2010 subalit noong 2011 ay walo ang naitalang namatay. At sa unang buwan pa lamang ngayong 2012 ay nalampasan na agad ang kabuuang bilang ng mga nakaranas ng diarrhea na isinugod sa ospital maging ang mga namatay noong nakaraang taon.
Bakteryang E.coli (Escherichia coli) at kontaminasyon ng mga pagkain at inumin ang nakitang dahilan ng mga pagtatae ng karamihan sa mga pasyenteng isinugod sa ospital, kung kaya’t pinayuhan ni Dr. Garcia ang publiko na ugaliing maglinis ng kamay lalo kung mula sa mga palikuran at panatilihing malinis ang pagkain at inumin maging ang kapaligiran lalo na ang kanilang mga palikuran. "Malaking ambag din ang pabago-bagong kundisyon ng panahon sa kontaminasyon ng mga pagkain at inumin kung kaya’t dapat na pag-ibayuhin pa ng publiko ang pag-iingat," ayon pa sa opisyal.
Sa pagdedeklara naman ng diarrhea outbreak, mahirap aniyang ideklara ito sapagkat hindi nakatuon sa iisang lugar lamang ang kaso kundi watak-watak ang mga lugar kung saan nagmula ang mga paysente, habang sa cholera naman ay pinag-uusapan pa ng mga lokal na opisyal sa kalusugan kasama na ang mga opisyal ng rehiyon kung idedeklara ang cholera outbreak.
Samantala, mas alerto ngayon ang mga Municipal Health Office at health workers sa buong Sorsogon upang mapigilan ang posibilidad ng pagtaas pa ng bilang ng mga kasong ito. Patuloy din umano ang pagsasagawa nila ng mga surveillance upang matukoy ang iba pang mga lugar na maaaring magpositibo din sa cholera.
Ayon kay Dr, Garcia, pinaigting na rin nila ang anti-diarrhea/anti-cholera campaign, pagsasagawa ng chlorination sa mga tubig at pagbigay-abiso sa mga residente na pakuluan ang kanilang mga inuming-tubig at house-to-house campaign ng mga health worker sa barangay.
Humingi din siya ng suporta sa Philippine Information Agency, sa mga media, sa mga punong-ehekutibo at iba pang mga kinauukulan na tulungan sila sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagbibigay edukasyon sa publiko ukol sa wastong pangangalaga sa kalusugan, kalinisan at pag-iingat upang hindi makaranas ng ganitong mga uri ng suliraning pangkalusugan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment