Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 3 (PIA) – Nanawagan si Sorsogon Provincial Health Officer (PHO) Dr. Edgar Garcia sa mga residente sa buong lalawigan na doblehin ang pag-iingat dahilan sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng cholera sa Sorsogon.
Aniya, labingwalong pasyente na ang namatay sanhi ng cholera sa nakalipas na apat na buwan at mahigit na sa dalawangdaan ang isinugod sa ospital sanhi ng mga pagtatae. Halos doble din umano ang bilang ng kaso nito ngayon kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Sa labingwalong bilang na ito ng mga namatay, labingdalawa dito ay mula sa Sorsogon City, tatlo sa Gubat, isa sa Castilla at isa rin sa Bulusan habang nasa proseso pa ng beripikasyon ang isa pa.
Dagdag din niyang E.coli bacteria lamang na normal na makikita sa tae ang naunang mga dahilan ng pagtatae kung kaya’t ikinagulat nila ang dahilan ng pagkamatay ng mga pasyente ayon sa pinakahuling resulta ng pagsusuri, lalo’t mahigit sampung taon na ring walang kaso ng cholera sa Sorsogon.
Kung kaya’t matapos nilang matanggap kahapon ang resulta ng mga pagsusuring ginawa sa mga isinugod sa ospital, magpapatawag sila ng local health board meeting sa ika-17 ng Pebrero upang pag-usapan ang iba pang mga mahahalaga at seryosong hakbang na maaaring gawin upang matugunan ang suliraning ito sa kalusugan.
Una na rito ay sunod-sunod na rin umano ang abisong ginawa ng PHO sa mga rural health unit (RHUJ) na maging mas alerto at magsagawa ng house-to-house campaign upang maiwasan ang paglala pa ng bantang ito sa pampublikong kalusugan.
Ayon pa kay Garcia, taliwas sa simpleng pagtatae o diarrhea na minsan ay sanhi ng ecolai, mga nakaing mahirap matunaw o hindi gusto ng tiyan, mas mabagsik umano ang cholera bacteria kung saan tuloy-tuloy ang paglabas na parang gripo ng taeng kahalintulad ng hugas-bigas na tubig at kung hindi maaagapan ay maaaring ikamatay ng pasyente sa loob lamang ng isang araw. Subalit tiniyak naman niyang kung maaagapan ay madali ding nagagamot ang cholera.
Kaugnay nito, nanawagan si Garcia sa publiko na kung may mga pagdududa sa pinagkukuhanan ng inuming tubig ay iwasan na munang kumuha doon o kung di naman ay pakuluan ito ng mabuti bago inumin, at panatilihin din ang kanilisan lalo ngayong patuloy ang pabago-bagong kundisyon ng panahon.
Sa mga water district naman ay nanawagan itong suriin at i-chlorinate ang mga tubig sapagkat maaari umanong may mga butas na tubo at nahaluan ng mga bacteria ang mga dumadaloy na tubig dito.
Sa mga nakakaranas naman umano ng sintomas ng pagtatae ay agad na itong kumunsulta sa mga RHU o sa ospital. Subalit mas ipinapayo niyang sa unang sintomas pa lamang ng pagtatae ay agad nang madala sa ospital ang pasyente upang magawaan ng rectal swab procedure at ma-aplayan na agad ng swero.
May sapat na antibiotic din umano ang mga ospital sa lalawigan para sa mga pasyente. Maging ang mga RHU ay nakahanda at alam din ang kanilang gagawin sa ganitong mga uri ng kaso.
Pinaiigting na rin nila umano ang kanilang information and education campaign sa mga barangay lalo sa mga lugar na may mataas na bilang ng kaso ng cholera at dapat din aniyang palakasin ang pag-iingat ng publiko sapagkat walang pinipiling edad ang natatamaan ng bagsik ng cholera maging ito man ay bata o matanda.
Ang cholera ay isang seryosong uri ng pagtatae dala ng bacterium na tintawag na Vibrio cholera na kadalasang nakukuha sa mga kontaminadong inumin o pagkain. Pangunahing sintomas ng cholera ay ang pagkakaroon ng diarrhea. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment