Wednesday, February 1, 2012

Mag-aaral, OSY, tsuper at mga manggagawa hinikayat na sumali sa Nationwide E-Trike Contest ng DoE


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 1 (PIA) – Hinikayat ni Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon information Center Manager Irma Guhit ang mga Sorsoganon partikular yaong may mga talento at kakayahang makagawa ng 2D at 3D computer-aided drawing ng Philippine E-Trike (AutoCAD) na sumali sa Nationwide E-Trike Contest ng Department of Energy (DoE).

Sa ginawang paglilibot ng PIA Sorsogon sa mga radyo at paaralan, ipinaliwanag ni Guhit ang layunin ng patimpalak at benepisyo nito para sa bayan at kung papaanong magagamit ito sa pagsusulong ng “It’s more fun in the Philippines” promotion ng bansa.

Suporta umano ito sa programa at proyektong Bio-Energy ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Aquino na naglalayong makatipid sa paggamit ng enerhiya at mapangalagaan ang berde at malinis na kapaligiran ng bansa.Tinalakay din ni Guhit ang mechanics ng nasabing patimpalak at iba pang mga mahahalagang rekisitos upang makasali sa e-trike contest.

Aniya, sakaling maipatupad ang paggamit ng tinatawag na energy efficient electric tricycles gamit ang bateryang lithium ion, higit na makakatipid sa paggamit ng petrolyo at mas lalaki pa ang kita ng mga tsuper ng e-trike sapagkat mas maraming pasahero ang maiaangkas nila sa isang pasada.

Inanyayahan din ang mga mag-aaral sa kolehiyo dito, mga manggagawa ng lokal na pamahalaan, tsuper at mga out-of-school youth na sumali at isulong ang electric tricycle at ang paggamit ng alternative fuel technology para sa mas environmental friendly public transport sa bansa.

Ang Nationwide E-trike Design Contest ay nagsimula na noong ika-19 ng Enero at matatapos sa ika-17 ng Pebrero, 2012 sa ilalim ng temang: “Bright Now! Do Right. Be Bright. Go E-trike!”

Maaaring maglog-on ang mga interesado sa website ng DoE na www.doe.gov.ph o sa website ng PIA na www.pia.gov.ph para sa mas detalyadong paraan ng patimpalak at upang makapag-download ng entry form.

Lahat ng mga lahok ay maaaring isumite ng personal o ipadala kasama ng iba pang hinihinging rekisitos sa Department of Energy sa Merritt Road, Fort Bonifacio, Taguig City. (BARecebido, PIA Sorsogon)

PIA ICM Irma Guhit served as guest at DZGN-FM's "Recado de Progreso" 12NN radio program with Jing Rey-Henderson as anchor.

No comments: