Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 7 (PIA) – Nakatakdang
ganapin dito sa lalawigan ng Sorsogon ang ikatlong pagtitipon ng mga taga-usig
o prosecutor sa buong rehiyon ng Bikol kung saan magiging panauhing pandangal
si Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa nasabing pagtitipon.
Ayon kay Provincial Prosecutor Regina Coeli
Gabito, ang Sorsogon ang siyang magiging punong-abala sa gagawing 3rd
Bicol Prosecutor’s Convention dito simula sa ika-9 hanggang ika-11 ng Mayo
ngayong taon.
Ang tatlong araw na pagtitipon ay gaganapin
sa Governor’s Training Hall, Capitol Compound, Sorsogon City at sa iba’t-iba
pang mga istratehikong lugar sa lalawigan. Tatampukan ito ng mga paksang may
kaugnayan sa social justice at nakatakda ring magsawa ng corporate planning ang
mga taga-usig.
Imbitado din ang lahat ng mga media upang
mag-cover sa aktibidad at upang makinig sa gagawing convention. Ayon kay Fiscal
gabito, makikita dito kung paanong umakto ang mga taga-usig sa panahon ng
paglilitis.
Inaasahan din ang pagdating ni National
Prosecution Service Prosecutor General Hon. Claro M. Arellano ng DOJ, apat pang
senior deputy state prosecutors ng DOJ at ni Regional Prosecutor Hon. Mary May
B. De Leoz.
Ayon pa kay Fiscal Gabito sinamantala na
rin nila ang pagkakataon upang maipakita at maipagmalaki na rin sa mga bisita
ang mga produkto at mga kaugaliang pangturismo ng lalawigan. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment