Ni: Bennie A. Recebido
LALAWIGAN NG SORSOGON, May 8 (PIA) – Patuloy
na pinag-iingat ng mga awtoridad dito hindi lamang ang mga kababaihan kundi
maging ang mga kalalakihan na rin lalo na ang mga menor de edad at maging ang
mga magulang nito nang sa ganon ay hindi sila mabiktima ng anumang pang-aabuso
kabilang na ang panganagalakal sa tao o human trafficking.
Hinikayat din nito ang komunidad na makiisa
sa kanilang kampanya laban sa human trafficking sa pamamagitan ng pagiging
mapagmatayag sa kanilang kapaligiran at sa mga istrangherong nakikita nila sa
kanilang lugar.
Matatandaang nito lamang buwan ng Abril, labingsiyam
kataong mga menor de edad ang mabibiktima sana ng human trafficking ang
nailigtas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni
PInsp Ricardo Ong at ng Police Intelligence Service ng Sorsogon Police
Provincial Office mula sa pagkakapariwara sa pantalan ng Matnog.
Sa naging pahayag ni Ong, sa labingsiyam
kataong narekrut mula sa Leyte at ibabyahe sana papunta sa Maynila, anim ay
kababaihan at isa ang lalaki na pawang menor de edad, habang mayroong iba pang
kababaihang nasa hustong gulang na.
Lahat umano ng mga biktima ay pawang
pinangakuan ng magagandang trabaho sa Metro Manila.
Ayon kay Ong, agad din naman nilang
naaresto ang apat na suspetsado at nasampahan ng paglabag sa Anti-Human
Trafficking in Persons Act.
Ang human trafficking ay isang makabagong
anyo ng karahasan, pang-aalipin, pang-aabuso at krimen laban sa tao kabilang na
ang sapilitang prostitusyon, sex trafficking at child labor.
Sa ilalim ng Sec.6 (a) at Sec. 6 (c) ng
Republic Act 9208, may kaparusahan ang sinumang mapapatunayang lumabag dito
tulad ng pagkakabilanggo ng 20 taon o habangbuhay at penalidad na hindi bababa
sa P1,000,000 hanggang P5,000.000.
Sa lalawigan ng Sorsogon, ang mga naisasalbang
biktima ng human trafficking ay temporaryo at libreng inilalagak sa “Bahay
Silungan sa Daungan” sa loob ng anim na buwan hanggang sa maibalik ang mga
biktima sa kani-kanilang mga pamilya.
Ang “Bahay Silungan sa Daungan” ay
pinamamahalaan ng Visayan Forum Foundation Inc. (VF), isang non-government organization
na nangangalaga sa kapakanan ng mga domestic worker at biktima ng sekswal na
pangangalakal.
Mayroon ding kahalintulad na halfway house
sa iba’t-ibang lugar sa bansa tulad ng Manila International Airport, North
Harbor sa Manila, Pandaigdigang Daungan sa Batangas at sa pantalan ng Sasa sa
Davao. Ang mga half-way house na ito ay naitayo sa pamamagitan ng rekurso ng
Philippine Ports Authority.
Ayon sa pag-aaral, ang mga sumusunod ang
kadahilanan kung bakit may mga nabibiktima ng human trafficking: kahirapan, negosyo
ng pagbebenta ng mga tao, kakulangan sa edukasyon at impormasyon, internet at
modernong teknolohiya at magulong sitwasyon ng pamilya.
Ilan sa mga tip upang maiwasan ang pagiging
biktima ng human trafficking ay ang mga sumusunod: Dagdagan ang kaalaman
tungkol sa trafficking, makilahok sa mga pulong sa barangay, sikaping
mapanatiling mapayapa at puno ng pagmamahalan ang tahanan, maging alerto at
mapagmasid, huwag basta-basta maniniwala sa mga pangako lalo na ng mga
istranghero, alamin ang mga karapatan at batas, at higit sa lahat maging responsible.
Dapat
na i-report ang mga kaso ng trafficking sa barangay, pulisya, DSWD o tumawag sa
Action Line (02) 1343 sa mga probinsya. (MLHatoc/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment