Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, May 7 (PIA) – Pumapangalawa
ang probinsya ng Sorsogon sa buong rehiyon ng Bikol sa may pinakamataas na
bilang ng mga namamatay sa panganganak dala ng kumplikasyon at kakulangan sa
tamang pangangalaga ng mga ina sa kanilang kalusugan habang nagbubuntis.
Isa sa mga kumplikasyon ay ang pagkakaubos
ng dugo ng isang nanganganak na kadalasang nangyayari sa mga inang hindi dumaan
sa kaukulang pagsusuri habang nasa sinapupunan pa nila ang kanilang anak.
Ito ang sinabi ni Janette Diesta, Project
Coordinator ng Womens Health on Safe Motherhood Project sa programa ng
Provincial Health Office, ang “Abiso ng PHO”.
Kaugnay nito ay nagsagawa ng agarang aksyon
ang Department of Health (DOH) at PHO upang mabigyan ng mabilisang solusyon ang
banta ng wala sa oras na pagkamatay ng mga nanganganak na ina at ng bagong
silang na mga sanggol.
Kabilang na dito ang pagsagawa ng mga
pagsasanay sa mga kumadrona at mga health workers upang magabayan ang mga
nagbubuntis sa mga dapat nilang gawin.
Ang mga hilot naman ay isinasailalim sa
oryentasyon ukol sa tamang hakbang sa pagpapaanak at mga kasong maaring isampa
sa kanila sakaling mapatunayang may paglabag sa ginawa nilang pagpapaanak sa
loob ng bahay.
Dagdag pa ni Diesta na mahalagang nagpapasuri
sa doktor ang mga buntis upang mapanatiling malusog ang bata habang nasa
sinapupunan pa ito at maiwasan ang pagkakalaglag ng kanilang mga sanggol.
Matatandaang noong taong 2006 ay naitala
din ang probinsya ng Sorsogon sa may napakataas na bilang ng namamatay na ina
at bata dahilan sa kawalan ng maganda at kakulangan ng pasilidad sa
panganganak.
Inaasahang sa pamamagitan ng agresibong
aksyon at kampanya ng DOH Provincial Health Team at ng PHO, at sa pagtaas ng
bilang ng mga birthing facilities o lying-in clinic sa lalawigan ay unti-unti
nang mawawala sa listahan ng ‘high maternal and child mortality’ ang Sorsogon.
Katumbas na rin umano ng pangananak sa
ospital ang panganganak sa mga birthing facilities sapagkat mayroon din itong
mga sinanay na kumadrona at kumpleto rin ito sa mga pasilidad sa panganganak.
Sa Pilipinas, sampu hanggang
labing-dalawang mga ina ang namamatay bawat araw dahilan sa kumplikasyon sa
panganganak, subalit patuloy pa rin ang pagpupunyagi ng pamahalaan na kung di
man maabot ang pangako nitong matugunan ang Millennium Development Goal No. 5,
ay mabawasan man lang ang bilang na namamatay na ina hanggang sa 2015.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment