Wednesday, May 9, 2012

Bangkay ng mga napatay sa engkwentro sa Donsol kinilala


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 9 (PIA) – Kinilala na ng Philippine National Police (PNP) Sorsogon ang tatlong rebeldeng napatay kahapon sa naganap na sagupaan ng mga tauhan ng Bravo Company ng 31st Infantry (CHARGE) Battalion sa pangunguna ni 1Lt Randell R. Wandag na nakabase sa Bayasong, Pilar, Sorsogon at ng labinlimang mga kasapi ng rebeldeng New Peoples Army sa Brgy. Pinamanaan, Donsol, Sorsogon.

Ang mga ito ay sina Joel “Ka Pepe” Ascutia, naging presidente ng Concerned Drivers and Operators – Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator (CONDOR-PISTON) – Bikol mula pa noong 2005; Christian “Ka Richard” Llagas, 19 taong gulang at residente ng Brgy. Bautista, Jovellar, Albay; at Leopoldo “Ka Jig” Nebres, 43 taong gulang, residente ng Brgy. Sinagaran, Jovellar, Albay. Si Llagas at Nebres ay kapwa magsasaka bago sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 2011.

Ang mga labi ng biktima ay dinala sa sentro ng bayan ng Donsol kasama ng mga tauhan ng Donsol Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at maayos na pagpapalibing. (MajWQuerubin/BArecebido, PIA Sorsogon)


No comments: