Tuesday, May 8, 2012

Tatlong NPA patay sa naganap na sagupaan ng militar at rebelde sa Donsol


Ni: Bennie A. Recebido

LALAWIGAN NG SORSOGON, May 8 (PIA) – Patay and tatlong miyembro ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) matapos na mapa-engkwentro ang mga teroristang rebelde sa mga sundalo ng Bravo Company ng 31st Infantry (CHARGE) Battalion sa pangunguna ni 1Lt Randell R. Wandag (OS) PA, na nakabase sa Bayasong, Pilar, Sorsogon kaninang alas 5:41 ng umaga.

Ayon kay LTC Teody Toribio, pinuno ng 31st Infantry Battalion na nakabase sa Brgy. Rangas, Juban, Sorsogon, kaagad silang nagpadala ng mga sundalo sa lugar dahil sa ulat ng mga sibilyan hinggil sa aktibidad ng mga NPA doon, at habang nagsasagawa ng security patrol ang mga kasundaluhan ay napa-engkwentro ito sa mahigit-kumulang sa labin-limang (15) mga miyembro ng Front Committee 80 KOMPROB Sorsogon ng teroristang NPA.

Wala umanong naiulat na nasugatan sa panig ng pamahalaan habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawing rebelde. Nagpadala din ang kapulisan ng grupo ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente.

Narekober sa lugar ng engkwentro ang isang (1) M16 rifle, isang (1) .99mm pistol, tatlong (3) mahahabang magazine ng M16 na may bala, dalawang (2) maikling magazine ng M16 na may bala, limang (5) back pack ng personal na mga kagamitan at mahahalagang subersibong dokumento.

Ang Brgy. Pinamanaan ay matatagpuan sa distansyang labingsiyam (19) na kilometro mula sa sentro ng Donsol, Sorsogon at mas madaling nararating sa pamamagitan ng motorsiklo dahilan sa kawalan pa ng maayos na transportasyon doon at sa pagiging liblib ng lugar.

Samantala, sa ipinalabas naman na statement ng Public Affairs Office ng 9ID, PA sa naganap na pangyayari, inihayag ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang kanilang pagkalungkot sa pagkamatay ng anila’y mga nalihis ng landas na mga Pilipinong ito.

Nanawagan din sila sa publiko na patuloy na makiisa sa kanila sa pagkumbinsi sa mga rebelde na isuko na ang kanilang mga armas, sumuko sa pamahalaan at mamuhay na ng mapayapa. (BARecebido)

No comments: